Page header image

Attention Deficit/Hyperactivity Disorder sa Mga matanda

(Attention Deficit/Hyperactivity Disorder in Adults)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang karamdamang attention deficit/hyperacticity ay isang kalagayan na nagiging sanhi ng problema sa pagbibigay pansin, hindi makapirmi sa pag-upo, at gumagawa ng mga bagay nang hindi muna iniisip.
  • Kasama sa paggagamot ang kasanayan sa pag-aaral ng kakayahan, pagsasanay sa pag-uugali, at mga gamot.
  • Pag-eehersisyo, pag-aaral ng mga paraan upang mag-relaks, yoga, at pagbubulay-bulay ay maaari ring makatulong kapag ginamit kasama ng mga gamot at therapy.

________________________________________________________________________

Ano ang ADHD?

Ang attention deficit/hyperactivity disorder (ADHD) ay isang kundisyon na nagiging sanhi ng mga problema sa pag-uukol ng pansin (hindi nakikinig), kahirapan sa pag-upo na pirmis (sobrang aktibo), at gumagawa ng mga bagay nang hindi muna nag-iisip (pabigla-bigla). Kadalasang nasusuri ang ADHD sa kabataan, ngunit maaaring magpatuloy ito hanggang sa karampatang gulang.

Ang ADHD ay dating tinatawag na attention deficit disorder (ADD).

Ano ang sanhi?

Ang eksaktong sanhi ng sakit na ito ay hindi alam. Ang ADHD ay mukhang namamana sa mga pamilya. Ang mga taong may ganitong sakit ay maaaring magkaroon ng mga pisikal na pagbabago sa kanilang utak. Maaaring mangahulugan ang mga pagbabagong ito na ang ilang bahagi ng utak ay mas aktibo o hindi gaanong aktibo kaysa sa ibang mga tao.

Maaaring marami pang iba pang mga kadahilanan ang kasangkot, tulad ng paninigarilyo habang buntis at mababang timbang. Walang patunay na ang ADHD ay sanhi ng asukal o mga bagay na idinadagdag sa mga pagkain tulad ng mga preservative at coloring. Ang mga allergy ay hindi rin karaniwang dahilan sa pagiging sanhi ng ADHD.

Ano ang mga sintomas?

May 3 pangunahing klase ng ADHD:

  • Mga problema sa pag-uukol ng pansin (hindi nakikinig). Maaaring kabilang sa mga sintomas ang:
    • Nawawalan ng atensyon dahil sa nangyayari sa paligid mo
    • Nagsisimula ng maraming proyeto ngunit hindi tinatapos ang mga ito
    • Nahihirapang matutunan ang mga bagong gawain o sumunod sa mga pagtuturo
    • Nakakalimutan o naiwawala ang mga bagay
    • Nangangarap nang gising at nagiging madaling malito
  • Mga problema sa pag-upo nang pirmi at paggawa ng mga bagay nang hindi muna iniisip(sobrang aktibo at pabigla-bigla). Maaaring kabilang sa mga sintomas ang:
    • Hindi mapakali at napakabilis mainip
    • Mabilis na umaakto o nagre-react sa mga bagay at hindi iniisip ang kalalabasan
    • Walang tigil sa pagsasalita, sumasabad sa ibang taong nagsasalita, o nagsasalita nang hindi nag-iisip
    • Pagiging walang tiyaga o hindi makapaghintay ng susunod
    • Pagiging hindi mapakali o hindi makatigil sa isang lugar
  • Ang mga pinagsamang klase ng sintomas ay maaaring kabilang ang kumbinasyon ng hindi nakikinig, pabigla-bigla, at sobrang aktibo.

Maaaring magbago ang mga sintomas mula sa pagkabata hanggang sa karampatang gulang. Ang mga pinakakaraniwang pagbabago sa panahon ng pagiging teen ay hindi masyadong aktibo at mas mabuti ang pagkontrol-sa-sarili. Ang pagiging hindi mapalagay at napakadaling mawalan ng atensyon ang mga pinakakaraniwang katangian ng diperensya sa matanda. Ang mga matandang nagkaroon ng mga problema sa pag-uugali noong kabataan ay maaaring patuloy na magkakaproblema sa agresyon. Ang ilang matanda na may ADHD na nagkaroon ng mga problema na matuto noong kabataan ay patuloy na magkakaproblema sa pagbabasa, pagsusulat, o sa math.

Ang mga taong may ADHD ay maaari rin magkaroon ng mga problema sa:

  • Depresyon o pag-iisip ng pagpapakamatay
  • Pagkaligalig
  • Pag-abuso sa sustansya
  • Mga diperensya sa pagkontrol ng simbuyo tulad ng pagkagumon sa sugal o kahiligan sa pagkain

Papaano itong sinusuri?

Ang ADHD ay madalas, ngunit hindi lagi, unang nasusuri sa pagkabata.

Tatanungin ng iyong healthcare provider o therapist ang tungkol sa iyong mga sintomas, history ng medikal at pamilya, at anumang mga gamot na iniinom mo. Sisiguruhin niya na wala kang medikal na karamdaman o problema sa droga o alcohol na maaaring maging sanhi ng mga sintomas. Maaari kang sumailalim sa mga pagsusuri o scan para makatulong makagawa ng diyagnosis.

Ikaw at iba pang malapit sa iyo ay maaaring tanungin para sagutin ang mga katanungan tungkol sa mga sintomas ng ADHD. Maaari kang magpatingin sa isang dalubhasa kalusugan ng pag-iisip para sa mga pagsusuri para suriin ang mga problema bilang karagdagan sa ADHD.

Papaano itong ginagamot?

Maaaring kabilang sa paggagamot ng ADHD ang:

  • Mga kasanayan na matutunan ang pag-agapay: Matututunan mong pangasiwaan ang mga sitwasyon na nakakawala ng atensyon at sobrang nakakapag-excite sa iyo. Maaaring kailanganin mo nang mas maraming kaayusan at mga pang-araw-araw na karaniwang gawain kaysa sa ibang tao. Maaaring gusto mong gumamit ng planner sa maghapon o isang tablet na computer para isaayos ang iyong buhay.
  • Pagsasanay hinggil sa pag-uugali: Ang therapy sa pag-uugali ay maaaring makatulong sa iyo na malaman kung paano magbigay pansin ng matagalan at i-set up ang mga gawain na makakatulong.
  • Gamot: Ang parehong mga gamot na ginagamit para sa mga bata ay mabisa sa mga matanda. Ang mga gamot na stimulant ay mukhang pinatataas ang aktibidad sa mga bahaging iyon ng utak para mas mabuti kang makapag-ukol ng pansin at makapagtuon sa mga aktibidad. Kung ang mga gamot na ito ay hindi epektibo o nagdulot ng hindi ginustong epekto, may iba pang mga gamot na maaaring makatulong sa ADHD.

May mga pag-aangkin na ang ilang herbal at mga produktong pang-diyeta ay nakakatulong kontrolin ang mga sintomas ng ADHD. Walang herb o suplementong pang-diyeta ang napatunayan nang palagi o ganap na nakakapawi sa mga sintomas ng ADHD. Gayunman, ang omega-3 fatty acids at ilang bitamina at mineral ay maaaring makatulong na mabawasan ang ilang sintomas ng ADHD. Ang mga suplemento ay hindi nasusuri o naaalinsunod sa pamantayan at maaaring mag-iba-iba sa mga pagkakabisa at epekto. Maaaring magkaroon ang mga ito ng mga side effect at hindi palaging ligtas. Bago ka uminom ng anumang suplemento, makipag-usap sa iyong healthcare provider.

Ang pag-e-ehersisyo at pag-alam sa mga paraan para magpahinga ay maaaring makatulong. Yoga at meditasyon ay maaari rin makatulong. Maaaring gusto mong makipag-usap sa iyong healthcare provider tungkol sa paggamit sa mga pamamaraang ito kasama ang mga gamot at therapy.

Ang ilang tao na may ADHD ay mukhang “nakakalakihan ito” sa umpisa ng kanilang ika-dalawampu. Gayunpaman, maaaring patuloy kang magkaroon ng problema sa relasyon, o mahirapang gawin ang mga bagay na kailangan mong gawin sa bahay at sa trabaho. Gayunman, ang mga taong may ADHD ay maaaring makapagsilbi nang mabuti sa mga trabahong nagkakaloob ng mataas na enerhiya at multi-tasking.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

May maraming paraan para tulungang mapangasiwaan ang ADHD:

  • Kapag kailangan mong magbasa o mag-isip nang mabuti, piliting lumayo sa mga tunog ng telebisyon, radyo, o ibang nag-uusap. Maaari mong subukang magpatugtog nang mahinang tugtog sa background tulad ng musikang white noise o instrumental.
  • Gumawa ng mga gawain sa maiikling panahon na may mga pahinga sa pagitan. Gumamit ng mga timer o alarma para tulungan kang panatilihing nasa gawain.
  • Sundin ang isang organisadong pang-araw-araw na palaging ginagawa sa bahay at trabaho. Magpatulong i-organisa ang iyong trabaho, mga gawain, at iba pang aktibidad.
  • Kung nahihirapan kang huminahon sa oras ng pagtulog, kadalasang nakakatulong ang isang planadong tahimik na oras bago ang oras ng pagtulog at musika sa background kapag nagpapatulog.
  • Magtabi ng stress ball, mga worry bead, worry stone, o isang doodle pad na maaari mong "paglaruan kapag ninenerbiyos" para tulungan kang manatiling naka-focus.
  • Kumuha ng suporta. Makipag-usap sa pamilya at mga kaibigan. Isaalang-alang ang pagsali sa isang grupo ng suporta sa inyong lugar.
  • Alamin kung papaanong pangasiwaan ang stress. Humingi ng tulong sa bahay at trabaho kapag sobrang daming gawain ang gagawin. Maghanap ng mga paraan para magpahinga, bilang halimbawa kumuha ng libangan, makinig sa musika, manood ng sine, o maglakadlakad. Subukan ang malalalim na ehersisyo sa paghinga kapag nai-stress ka.
  • Pangalagaan ang iyong pisikal na kalusugan. Subukang matulog nang 7 hanggang 9 na oras gabi-gabi. Kumain ng malusog na diyeta. Limitahan ang caffeine. Kung naninigarilyo ka, huminto. Iwasan ang alkohol at mga droga, dahil maaaring palalain ng mga ito ang iyong mga sintomas. Mag-ehersisyo ayon sa mga itinuturo ng yong healthcare provider.
  • Suriin ang iyong mga gamot. Para makatulong maiwasan ang mga problema, sabihin sa iyong healthcare provider at parmasyotiko ang tungkol sa lahat ng gamot, mga likas na remedyo, bitamina, at iba pang suplemento na iniinom mo. Inumin ang lahat ng iyong gamot tulad ng itinuturo ng iyong provider o therapist. Napakahalaga na inumin ang iyong gamot kahit na kapag maganda at nakakapag-isip ka nang mabuti. Kung wala ang gamot, maaaring hindi bumuti o maaaring lumala ang iyong mga sintomas. Makipag-usap sa iyong provider kung may mga problema ka sa pag-inom ng iyong gamot o kung mukhang hindi tumatalab ang mga gamot.
  • Kontakin ang iyong healthcare provider o therapist kung mayroon kang anumang katanungan o ang iyong mga sintomas ay mukhang lumalala.

Para sa higit na impormasyon, kontakin ang:

  • Children and Adults with Attention-Deficit/Hyperactivity Disorder (CHADD)
    800-233-4050
    http://www.chadd.org
Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2015-12-28
Huling narepaso: 2016-09-19
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image