Page header image

Sakit na Bipolar

(Bipolar Disorder)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Nagiging sanhi ang sakit na bipolar ng matinding mga pagbabago sa mood, pag-iisip, at pag-uugali, tulad ng pakiramdam na laging masigla at napaka-aktibo, tapos ay magiging pakiramdam na malungkot, walang pag-asa, at nanghihina.
  • Maaaring kasama sa lunas ang gamot, therapy, at pag-aaral ng mga paraan para makontrol ang stress. Sa malalalang mga kaso, kailangan kang gamutin sa ospital.
  • Kumuha ng emergency na pangangalaga kung ikaw o isang minamahal ay seryosong nag-iisip ng pagpapakamatay o pananakit sa iba. Kumuha rin ng emergency na tulong kung ang ugaling manic ay nagiging napakamarahas na nanganganib ka o ang iba.

________________________________________________________________________

Ano ang sakit na bipolar?

Ang sakit na bipolar ay isang kundisyon na nagiging sanhi ng malalalang pagbabago sa mood, pag-iisip, at pag-uugali. Kadalasa’y may dalawang "mood phase," isang manic phase at isang depressed phase. Sa manic phase pakiramdam mo’y lubhang pinasigla at napakaaktibo. Sa depressed phase napakalungkot mo, walang pag-asa, at walang pakialam tungkol sa anumang bagay.

Ang sakit na bipolar ay maaaring tumagal nang habang buhay. Ang mga sintomas ay malamang na lumala kung hindi gagamutin. Ang sakit na bipolar ay maaaring mapangasiwaan kahit na hindi ito nalulunasan.

Ano ang sanhi?

Ang eksaktong sanhi ng sakit ay hindi nalalaman.

  • Ang utak ay gumagawa ng mga kemikal na nakakaapekto sa mga pag-iisip, emosyon, at mga kilos. Kung walang tamang balanse ng mga kemikal na ito, maaaring may mga problema sa kung papaano kang mag-isip, makaramdam, o kumilos. Ang mga taong may ganitong sakit ay maaaring may kakaunti o napakarami ng ilan sa mga kemikal na ito. Ang mga sanhi ng pagpapalit sa pagitan ng mga mood ay hindi nalalaman.
  • Ang sakit na bipolar ay malamang na namamana sa mga pamilya. Gumaganap din ng bahagi ang stress.
  • Ang mga taong may ganitong sakit ay maaaring magkaroon ng mga pisikal na pagbabago sa kanilang utak. Maaaring mangahulugan ang mga pagbabagong ito na ang ilang bahagi ng utak ay mas aktibo o hindi gaanong aktibo kaysa sa ibang mga tao.
  • Ang ilang gamot ay maaaring maging sanhi ng depresyon o mga sintomas ng manic. Kasama sa mga ito ang ilang gamot sa presyon ng dugo, mga pildoras na pang-diyeta, at mga steroid tulad ng prednisone.
  • Ang pag-abuso sa alak at droga ang maaaring mag-trigger ng mga sintomas.

Ang sakit na bipolar ay hindi masyadong karaniwan. Kadalasan itong nagsisimula sa panahon ng mga taon ng kabataang may sapat na gulang. Kung ikaw ay isang babae, ang mga episode ay maaaring mas malamang na bago sa iyong buwanang regla o pagkatapos ipanganak ang isang bata.

Ano ang mga sintomas?

Sa panahon ng episode ng manic maaari kang:

  • May mga hindi makatotohanang paniniwala na ikaw ay napakatalino, malikhain, at nakagagawa ng mga kagulat-gulat na mga bagay
  • Maging napakadaldal at napakabilis magsalita na nahihirapan ang iba na masundan ang sinasabi mo
  • Magkaroon ng nagkakarerang pag-iisip
  • Magkaproblemang mag-isip nang malalim at lumipat sa pagitan ng magkakaibang ideya
  • Madalas na kumukuha ng maraming bagong proyekto nang hindi tinatapos alinman sa mga ito
  • Mas makaramdam ng ligalig at pagkataranta
  • Makatagal ng ilang araw na kakaunti o walang tulog at hindi nakakaramdam ng pagod
  • Maging napakairitable
  • Mapaaway sa iba
  • Maging mas interesado sa sex
  • Maging sobrang aktibo at padalusdalos sa pagkilos, tulad ng labis na paggasta o nakikipag-sex nang hindi ligtas

Kapag mayroon kang manic episode, maaaring sa tingin mo ay maayos ka, ngunit ang ibang tao sa paligid mo ay nagiging sanhi ng mga problema.

Kung mayroon kang matinding episode, maaari ka ring magkaroon ng mga sintomas tulad ng pagkalito; pandinig, paningin, o nakakaramdam ng mga bagay na hindi nararamdaman ng iba; o naniniwala sa mga bagay na hindi totoo.

Ang isang episode ng manic ay maaaring masundan ng isang panahon ng normal na mood at pag-uugali o isang panahon ng depresyon. Sa isang panahon ng depresyon, maaari kang:

  • Malungkot at hindi interesado sa mga bagay na kadalasan mong kinasisiyahan
  • Maging iritable
  • Mahirapang matulog, magising nang napakaaga, o matulog nang sobra
  • Makapansin ng mga pagbabago sa iyong gana sa pagkain at timbang, pataas man o pababa
  • Masyadong pagod na pakiramdam o nanghihina
  • Mawalan ng gana sa sex
  • Makaramdam nang kawalang-kwenta at guilty
  • Hindi makapag-isip nang malalim o makatanda ng mga bagay
  • Makaramdam nang kawalang pag-asa o talagang mawalan ng pakialam sa anumang bagay
  • Magkaroon ng mga pisikal na sintomas, tulad ng mga pananakit ng ulo at kirot sa kasukasuan
  • Madalas mag-isip tungkol sa kamatayan o pagpapakamatay

Maaari ka rin magkaroon nang tinatawag na magkahalong episode. Ang magkahalong episode ay sumpong na may kasamang mga depressed na sintomas nang magkasabay. Sa isang pinaghalong episode maaaring ikaw ay labis na aktibo, magulong saloobin, lumalayo sa iba, pakiramdam na walang-halaga o masyadong magagalitin, at madalas umiyak.

Ang mga sintomas ay maaaring tumagal nang ilang araw o linggo. Ang ilang tao ay may mabilis na pag-ikot ng mga pattern at maaaring magkaroon ng 4 o higit pang malalalang pagbabago ng mood sa isang taon.

Papaano itong sinusuri?

Tatanungin ka ng iyong healthcare provider o therapist tungkol sa iyong mga sintomas. Sisiguruhin niya na wala kang medikal na karamdaman o problema sa droga o alcohol na maaaring maging sanhi ng mga sintomas.

Papaano itong ginagamot?

Kung hindi malunasan ang sakit na bipolar, malamang na lumala ito. Ang sumpong at depresyon ay maaaring maging mas malala at madalas mangyayari ang mga episode. Kadalasan, makararamdam ka nang mas mainam pagkatapos ng ilang linggo ng paggagamot. Ang sakit na bipolar ay maaaring epektibong gamutin kahit na ito ay hindi nalulunasan.

Ang mga gamot ang pinakamabisang paggagamot para sa sakit na bipolar. Kung ang isang episode ay malala, maaaring kailangan mong magtagal sa isang ospital.

Mga gamot

Ang mangilan-ngilang klase ng gamot ay makakatulong na lunasan ang sakit na bipolar. Makikipagtulungan ang iyong healthcare provider para piliin ang pinakamainam na gamot. Maaaring kailanganin mong uminom nang higit sa isang klase ng gamot.

Therapy

Madalas ang kombinasyon ng mga gamot at therapy ay ang pinakamahusay na diskarte. Ang cognitive behavioral therapy (CBT) ay isang anyo ng therapy na tinutulungan ka na kumilala at baguhin ang mga proseso ng pag-iisip. Ang pagpapalit sa negatibong kaisipan ng mas maraming mga positibo ay maaaring makatulong sa iyo na pamahalaan ang iyong mga sintomas.

Ang therapy na pamilya ay kadalasang talagang nakakatulong. Ang pamilya ay ginagamot ng therapy na pamilya bilang isang kabuuan sa halip na tumutok lamang sa iyo.

Ang interpersonal therapy ay matutulungan kang gumawa sa isa o dalawang larangan ng problema, tulad ng mga relasyon sa mga kaibigan at pamilya. Ang pag-aaral tungkol sa sakit at kung paano pamahalaan ang mga sintomas ay tumutulong din.

Iba pang paggagamot

Pag-alam sa mga paraan para magpahinga ay maaaring makatulong. Yoga at meditasyon ay maaari rin makatulong. Maaaring gusto mong makipag-usap sa iyong healthcare provider tungkol sa paggamit sa mga pamamaraang ito kasama ang mga gamot at therapy.

May ginawang mga pag-aangkin na ang ilang herbal at mga produktong gawa sa gatas ay nakatutulong kontrolin ang mga sintomas ng depresyon. Ang mga Omega-3 fatty acid ay maaaring makatulong para mabawasan ang mga sintomas ng depresyon. Walang kilalang mga herbal o natural na remedyo ang mabisa sa paglunas sa sakit na bipolar. Ang mga suplemento ay hindi nasusuri o naaalinsunod sa pamantayan at maaaring mag-iba-iba sa mga pagkakabisa at epekto. Maaaring magkaroon ang mga ito ng mga side effect at hindi palaging ligtas. Makipag-usap sa iyong healthcare provider bago mo gamitin ang alinman sa mga produktong ito.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

  • Inumin ang iyong mga gamot araw-araw, kahit na maganda ang iyong pakiramdam. Ang sakit na bipolar ay isang panghabambuhay na karamdaman. Ang paghinto sa iyong mga gamot kapag maganda ang pakiramdam mo ay maaaring maging dahilan ng mga episode.
  • Alamin kung papaanong pangasiwaan ang stress. Humingi ng tulong sa bahay at trabaho kapag sobrang daming gawain ang gagawin. Maghanap ng mga paraan para magpahinga, bilang halimbawa kumuha ng libangan, makinig sa musika, manood ng sine, o maglakadlakad. Subukan ang malalalim na ehersisyo sa paghinga kapag nai-stress ka.
  • Pangalagaan ang iyong pisikal na kalusugan. Subukang matulog nang 7 hanggang 9 na oras gabi-gabi. Kumain ng malusog na diyeta. Limitahan ang caffeine. Kung naninigarilyo ka, huminto. Mag-ehersisyo ayon sa mga itinuturo ng yong healthcare provider.
  • Iwasan ang mga alcohol at droga.
  • Suriin ang iyong mga gamot. Ipaalam sa healthcare provider na tumitingin sa iyo para sa sakit na bipolar bago ka uminom ng iba pang gamot para makasiguro na walang conflict sa mga gamot mo sa bipolar.
  • Kumuha ng suporta. Makipag-usap sa pamilya at mga kaibigan. Bantayan ang iyong sarili para sa mga umpisang senyales ng episode ng isang manic o depressive. Hilingan ang iba sa paligid na magbantay din nang maigi.

Kumuha ng emergency na pangangalaga kung ikaw o isang minamahal ay seryosong nag-iisip ng pagpapakamatay o pananakit sa iba. Kumuha rin ng emergency na tulong kung ang ugaling manic ay nagiging napakamarahas na nanganganib ka o ang iba.

Para sa higit na impormasyon, kontakin ang:

Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2015-12-28
Huling narepaso: 2015-11-09
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image