Page header image

Kanser sa Suso sa Kababaihan

(Breast Cancer in Women)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang kanser sa suso ay isang abnormal na paglago ng mga cell sa suso.
  • Kabilang sa paggamot ang mga gamot tulad ng chemotherapy, hormone therapy, o biologic therapy. Kasama rin dito ang radiation therapy o operasyon.
  • Makipag-usap sa iyong healthcare provider tungkol sa mga paraan ng pinakamahusay na pag-aalaga para sa iyong sarili sa panahon ng paggamot.

________________________________________________________________________

Ano ang kanser sa suso?

Ang kanser sa suso ay isang pamumuo ng mga abnormal na cell sa suso. Ito ang pinakakaraniwang kanser sa kababaihan.

Mas maagang matuklasan at magamot ang kanser, mas mainam ang iyong pagkakataon na gumaling. Gayunman, kahit na ang advanced na kanser ay kadalasa’y nagagamot. Ang paggagamot ay maaaring pabagalin o pahintuin ang pagdami ng kanser at paginhawahin ang mga sintomas nang sandali. Tanungin ang iyong healthcare provider kung ano ang maaasahan mo sa klase ng kanser na mayroon ka.

Ano ang sanhi?

Ang eksaktong sanhi ng kanser sa suso ay hindi nalalaman. Maaari kang magkaroon ng mataas na peligro ng kanser kung:

  • Ikaw ay lampas sa edad 60.
  • Nagkakanser ka na sa suso o ng ilang sakit na hindi nakakanser sa suso.
  • Mayroon kang history ng pamilya ng kanser sa suso o obaryo (lalo na ang ina, kapatid na babae, o anak na babae, ngunit pati sa iba pang kamang-anak sa alinman sa panig ng ama o ina).
  • Mayroon kang mga mutation sa ilang genes (BRCA1 at BRCA2).
  • Nagkaroon ka ng radiation therapy sa suso.
  • Umiinom ka ng alkohol (tumataas ang peligro habang dumadami ang iniinom).
  • Ikaw ay sobra sa timbang o labis ang katabaan pagkatapos mag-menopause.
  • Hindi ka nakakapag-ehersisyo nang regular.
  • Una kang nagkaroon dati sa edad na 12.
  • Hindi ka pa nanganak.
  • May edad ka na nang isilang ang iyong unang anak.
  • Hindi ka nagpasuso.
  • Nag-menopause ka pagkatapos mag-55.
  • Nag-ho-hormone replacement therapy ka (estrogen at progesterone) sa maraming taon.

Ano ang mga sintomas?

Kadalasan ang unang senyales ng kanser sa suso ay isang bukol sa suso. Ang bukol ay kadalasang natatagpuan sa bandang itaas, panlabas na bahagi ng suso at hindi masakit.

Maaaring kabilang sa iba pang sintomas ang:

  • Pagbabago sa kulay, dimpling, o pagkunot ng balat sa ilang bahagi ng suso
  • Pagbabago sa laki o hugis ng suso
  • Discharge mula sa utong
  • Pagbabago sa hugis o hitsura ng utong
  • Isang bukol sa kili-kili

Sakit, pangingirot, at paghahapdi ng suso nang walang bukol, lalo na sa panahon ng iyong regla, ay hindi kadalasang mga sintomas ng kanser. Gayunman, lahat ng senyales sa suso o mga sintomas na tumatagal nang higit sa ilang araw ay kailangang masuri ng iyong healthcare provider.

Ano ang metastasis?

Ang pagkalat ng mga cancer cell mula sa isang bahagi ng katawan papunta sa iba pang bahagi ay tinatawag na metastasis. Ano ang nagiging sanhi ng kanser para kumalat ay hindi nalalaman. Ang mga cancer cell ay maaaring:

  • Lumaki sa bahaging paligid ng tumor
  • Lumibot sa iba pang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng daloy ng dugo o sa lymph system. Ang lymph system ay bahagi ng sistema ng iyong katawan para labanan ang impeksiyon. Ang sistema ng lymph ay binubuo ng kulani na nag-iimbak ng blood cells (lymphocytes) upang labanan ang impeksiyon at ng mga sisidlan na nagdadala ng likido, nutrients, at mga basura ng iyong katawan at ng iyong dugo.

Mga bagong tumor pagkatapos ay lumalaki sa iba pang bahagi na ito. Kapag kumakalat ang kanser sa suso, ito’y kadalasang nakikita sa mga buto sa balakang, gulugod, itaas na bahagi ng braso at mga binti, at bungo. Ang mga tumor ay karaniwan rin nakikita sa atay, mga baga, at utak.

Paminsan-minsan ang iyong unang mga sintomas ng kanser ay nasa bahagi ng katawan kung saan kumalat ang kanser. Ang mga sintomas ng kanser sa suso na kumalat sa iba pang bahagi ng iyong katawan ay depende sa kung nasaan ang mga tumor. Bilang halimbawa,

  • Kung kumalat ang kanser sa mga baga, maaari kang magkaroon ng ubo o problema sa paghinga.
  • Kung kumalat ang kanser sa atay, maaari kang magkaroon ng madilaw na balat, pananakit, o pamamaga sa iyong tiyan.
  • Kung kumalat ang kanser sa mga buto, maaari kang magkaroon ng pananakit o maaaring madaling mabali ang iyong mga buto.
  • Kung kumalat ang kanser sa utak, maari kang mahirapang mag-isip, mag-salita, o mag-lakad.

Papaano itong sinusuri?

Marami sa kababaihan ang makakatuklas ng bukol sa kanilang suso, alinman sa pamamagitan ng pagkakataon o sa isang eksaminasyon sa sarili. Paminsan-minsan makakahanap ang isang healthcare provider ng bukol sa panahon ng palaging isinasagawang pisikal na eksaminasyon o isang pagsusuri na mammogram. Karamihan sa mga bukol sa suso ay hindi kanser. Kadalasan ang mga ito ay mga cyst na puno ng likido na lumalaki at lumiliit sa bawat siklo ng regla. Gayunman, ang anumang bukol ay dapat matingnan. Maaaring magkaroon ka ng mga pagsusuri tulad ng:

  • Ang mammogram, na isang X-ray ng suso para maghanap ng kanser o para siyasatin ang isang bukol na nararamdaman sa suso.
  • Ultrasound, na gumagamit ng mga sound wave para ipakita ang mga larawan ng tissue ng suso.
  • MRI, na gumagamit ng malakas na magnetic field at mga radio wave para ipakita ang detalyadong mga larawan ng tissue ng suso.
  • Biopsy ng suso, na pagtatanggal ng kaunting sampol ng tissue para suriin. Ang tissue ay sinisiyasat para sa pagkakaroon ng kanser.

Kung nagkakaroon ka ng discharge mula sa isang utong at hindi ka nagpapasuso, ang ilang sa discharge ay maaaring ilagay sa isang slide ng microscope at susuriin para sa mga cancer cell.

Papaano itong ginagamot?

Ikaw at ang iyong healthcare provider ay pag-uusapan ang mga posibleng paggagamot. Maaari ka rin makipag-usap sa isang nag-oopera, medical oncologist, at radiation oncologist. Ang mga oncologist ay mga dalubhasa sa kanser.

Ilang bagay-bagay na pag-iisipan kapag nagdedesisyon sa paggagamot ay:

  • Iyong edad
  • Yugto ng kanser (kung gaanong ka-advance ang kanser)
  • Epekto ng mga hormone sa kanser
  • Klase ng kanser sa suso
  • Kung kumalat na ang kanser sa mga lymph node o iba pang bahagi ng iyong katawan

Ang mga posibleng paggamot ay:

  • Operasyon, tulad ng:
    • Lumpectomy para tanggalin ang isang bukol na dulot ng kanser mula sa iyong suso
    • Mastectomy para tanggalin lahit ng suso
  • Radiation therapy, na gumagamit ng malakas-na-enerhiyang mga X-ray para patayin ang mga cancer cell
  • Chemotherapy (mga gamot na anticancer), na gumagamit ng gamot para patayin ang mga cancer cell
  • Hormone therapy, na gumagamit ng gamot para pigilan ang mga hormone sa iyong katawan sa pagtulong sa paglaki ng mga tumor
  • Biological therapy, na gumagamit ng gamot na idinisenyo para tulungang labanan ng iyong immune system ang kanser o hadlangan ang pagtubo ng mga cancer cell

Kadalasan, higit sa 1 klase ng paggagamot ang ginagamit.

Kung magpapa-opera ka para tanggalin ang iyong suso, makipag-usap sa iyong healthcare provider tungkol sa mga opsyon para sa reconstruction ng suso.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

Kung ikaw ay nasuri nang may kanser sa suso.

  • Pag-usapan ang tungkol sa iyong kanser at mga opsyon sa paggagamot kasama ng iyong healthcare provider. Siguruhing nauunawaan mo ang iyong mga pagpipilian.
  • Sundin ang buong takdang panahon ng paggagamot na inirereseta ng iyong healthcare provider.
  • Tanungin ang iyong healthcare provider:
    • Papaano at kailan mo malalaman ang mga resulta ng iyong pagsusuri
    • Gaanong katagal para makapanumbalik sa dating lakas ng katawan
    • Kung may mga aktibidad na dapat mong iwasan, at kung kailan ka makakabalik sa iyong mga normal na aktibidad
    • Papaanong pangalagaan ang iyong sarili sa bahay
    • Anong mga sintomas o problema ang dapat mong subaybayan at ano ang gagawin kung magkakaroon ka ng mga ito
  • Siguruhin na alam mo kung kailan ka dapat bumalik para sa isang checkup. Puntahan ang lahat ng appointment para sa pagpapatingin o eksaminasyon ng provider.

Kasama ang iba pang bagay na maaaring makatulong:

  • Kumain ng malusog na diyeta at mag-ehersisyo nang regular tulad ng inirerekumenda ng iyong healthcare provider.
  • Magpahinga nang husto.
  • Tanungin ang iyong provider kung kailangan mong iwasan ang pag-inom ng alkohol. Maaaring makagambala ito sa mga gamot na iyong iniinom. Ang alkohol ay mas nakapagpapahirap din para sa mga white blood cell na labanan ang mga impeksyon.
  • Subukang bawasan ang stress at maglaan ng panahon para sa mga aktibidad na nasisiyahan ka. Maaaring makatulong na makipag-usap sa isang tagapayo tungkol sa iyong sakit.
  • Makipag-usap sa iyong pamilya at sa iyong mga healthcare provider tungkol sa iyong mga alalahanin. Magtanong sa iyong healthcare provider ng kahit ano may kinalaman sa sakit, paggamot, mga side effect ng paggamot, sekswal na aktibidad, mga grupong sumusuporta, at anumang bagay na aalalahanin mo.
  • Sabihin sa iyong provider kung ang iyong paggagamot ay nagdudulot ng hindi kaginhawahan. Kadalasan may mga paraan para tulungan kang maging mas komportable.

Pagkatapos ng iyong paggagamot, mahalaga pa rin na suriin ang bahagi ng iyong suso para sa mga pagbabago. Maaari itong makatulong sa iyo na matuklasan ang anumang senyales na bumalik ang kanser o nagsimula na ang bagong kanser.

Maraming serbisyo ng suporta para sa kababaihan na may kanser sa suso. Mahahanap mo ang mga pangalan ng mga grupo at mga ahensya mula sa iyong healthcare provider o sa iyong lokal na opisina ng American Cancer Society.

Papaano akong makakatulong pigilan ang kanser sa pagkalat o magbalik?

  • Kumpletuhin ang buong takdang panahon ng mga paggagamot ng radiation, hormone, o chemotherapy na inirerekumenda ng iyong healthcare provider.
  • Agad na magpatingin sa iyong healthcare provider kung mapansin mo ang pabalik ng anumang dating mga senyales o sintomas, o nagkaroon ng mga bago.

Para sa higit na impormasyon, kontakin ang:

Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2016-10-18
Huling narepaso: 2016-01-04
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image