Page header image

Emphysema

(Emphysema)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang emphysema ay isang seryosong sakit na dahan-dahang sumisira ng iyong mga baga at nagpapahirap ng paghinga.
  • Walang lunas para sa emphysema, ngunit may mga paggagamot na makakatulong magpaginhawa ng mga sintomas. Kasama sa mga paggagamot ang oxygen, mga gamot, o ehersisyo na inirekomenda ng iyong healthcare provider.
  • Makakatulong kung iiwas ka sa pagsisigarilyo, mauusok na lugar, maruming hangin, alikabok, usok, at amag. Madalas na maghugas ng kamay, at magpabakuna para sa trangkaso bawat taon.

________________________________________________________________________

Ano ang emphysema?

Ang emphysema ay isang tuluy-tuloy (hindi gumagaling) na sakit na dahan-dahang sinisira ang mga baga. Ginagawang mahirap ng pinsala ang paghinga.

Ang emphysema ay 1 sa 2 pangunahing klase ng malalang sakit sa baga na tinatawag na chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Chronic bronchitis ay ang isa pang klase. Ang mga sakit na ito ay pinakakaraniwan sa mga mas nakatatanda, lalo na sa mga naninigarilyo.

Ang emphysema ay kadalasang dahan-dahang lumalala sa loob ng mga buwan o taon, na ginagawa nitong mas mahirap huminga. Ang paggagamot ay makakatulong kontrolin ang iyong mga sintomas at tutulungan kang bumuti ang iyong pakiramdam.

Ano ang sanhi?

Nangyayari ang emphysema kapag nasira ang daluyan ng iyong hangin. Ang mga daluyan ng hangin ay ang mga tubo at sac na nagdadala ng hangin papasok at papalabas ng iyong mga baga. Ang pinsala ay halos palaging sanhi ng iritasyon ng mga baga sa maraming taon. Ang paninigarilyo ang pinakakaraniwang sanhi ng iritasyon. Ang iba pang sanhi ay pagkakalantad sa usok na galing sa iba, polusyon sa hangin, mga usok ng kemikal, alikabok, at madadalas na impeksyon sa baga.

Pinipinsala ng iritasyon ang mga air sac na nasa mga baga. Karaniwan, nakakakuha ka ng oxygen kapag lumanghap ka at inaalis mo ang carbon dioxide kapag hihinga ka. Kapag napinsala ang mga air sac, nahaharang ang hangin sa sacs, at mas nagpapahirap ito sa iyo na ihinga ang carbon dioxide. Nangangahulugan ito na sobra-sobrang carbon dioxide ang nananatili sa iyong mga baga at walang sapat na puwang para sa oxygen na kinakailangan ng iyong katawan.

Ang pinsala sa mga baga ay hindi nawawala.

Ang namanang sakit (naipasa mula sa mga magulang) ay tinatawag na alpha-1 antitrypsin deficiency (A1AD) ay maaari rin maging sanhi ng emphysema. Kung mayroon kang ganitong sakit, maaaring mas madaling mapinsala ang iyong mga baga. Kung naninigarilyo ka at may A1AD, mas madaling mapinsala ang mga baga. Ang mga naninigarilyo na may A1AD ay maaaring mauwi sa emphysema sa kanilang 30s o 40s.

Ano ang mga sintomas?

Sa maagang yugto ng sakit, maaaring hindi ka magkaroon ng mga sintomas kahit na napipinsala ang mga baga. Ang mga unang sintomas ng emphysema ay maaaring kabilang ang:

  • Pangangapos ng hininga at hirap sa paghinga (ang pinakakaraniwang sintomas) lalo na kapag gumagawa ng pisikal na aktibidad.
  • Paghinga nang may tunog
  • Madalas na pag-ubo

Habang lumalala ang emphysema, ang mga sintomas na maaaring kabilang ay:

  • Mabilis na paghinga
  • Balat na nagmumukhang asul o kulay-ube, lalo na ang mga daliri, daliri ng paa, at mga labi
  • Pagbaba ng timbang
  • Madadalas na impeksyon sa baga
  • Pamamaga sa mga binti, bukung-bukong, at mga paa

Papaano itong sinusuri?

Tatanungin ng iyong healthcare provider ang tungkol sa iyong mga sintomas, medikal na history, history ng pamilya, history ng trabaho, mga nakagawiang paninigarilyo, at pagkakalantad sa usok ng sigarilyo. Titingnan ka ng iyong provider. Maaari kang magkaroon ng mga sumusunod na pagsusuri:

  • Mga pagsusuri ng plema sa laboratoryo para maghanap ng bacterial na impeksyon at iba pang mga problemang medikal na maaaring naging sanhi ng iyong mga sintomas.
  • Isang X-ray sa dibdib
  • Mga pagsusuri ng dugo
  • Spiromety, ay isang pagsusuri sa paghinga. Hihinga ka sa isang tubo para sukatin kung gaanong kainam gumagalaw ang hangin papasok at papalabas sa iyong mga baga. Ipapakita ng pagsusuri kung gaanong kainam na gumagana ang iyong mga baga.
  • CT scan ng iyong mga baga, na gumagamit ng mga X-ray at isang computer para makita ang mga detalyadong larawan ng mga baga.

Papaano itong ginagamot?

Walang lunas para sa emphysema, ngunit may mga paggagamot na maaaring:

  • Mapaginhawa ang mga sintomas para makahinga at makaramdam ka nang mas mabuti
  • Matulungan ka na maging mas aktibo
  • Gamutin ang mga impeksyon
  • Makatulong maiwasan ang mga kumplikasyon

Kung ikaw ay isang naninigarilyo, ang pinakamahalagang bahagi ng iyong paggagamot ay tumigil sa paninigarilyo. Ang paghinto ng paninigarilyo ay makakatulong sa pagbuti ng mga sintomas o mapabagal ang pagkapinsala sa baga, depende sa kalubhaan ng iyong emphysema. Makipag-usap sa iyong healthcare provider tungkol sa mga paraan para tumigil. Maaaring matuklasan mong nakatutulong na sumali sa isang programa sa pagtigil-sa-paninigarilyo, gumamit ng mga nicotine patch o gum, o subukan ang isa sa mga iniresetang gamot na makatutulong sa iyo na tumigil. Ang mga paraan ito ay mas mainaman na gumagana kung sabay na ginagamit, at sa ilalim ng pamamahala ng sinanay na counselor o healthcare provider.

Maaaring ireseta ng iyong healthcare provider ang mga sumusunod na gamot.

  • Bronchodilator: Pinapakalma ng gamot na ito ang mga kalamnan ng mga daluyan ng hangin. Ginagawa nitong mas malaki ang mga bukana sa loob ng mga daluyan ng hangin, kaya mas madaling huminga. Kadalasang ginagamit mo ang gamot na ito sa pamamagitan ng pagsinghot nito (nilalanghap papasok sa iyong mga baga), ngunit maaari rin itong inumin bilang mga pildoras o likido.
  • Steroid: Ang gamot na steroid ay tumutulong pababain ang pamamaga sa loob ng iyong mga daluyan ng hangin. Maaaring kailanganin mo ng mga steroid kung ang iyong mga sintomas ay malala o kung nagsisimula kang mas madalas magkasintomas Ang mga steroid ay kadalasang sinisinghot, ngunit maaari rin itong inumin bilang isang pildoras.

    Ang paggamit ng steroid sa mahabang panahon ay maaaring magkaroon ng mga malalang side effect. Magpainiksyon nang eksaktong gamot na steroid tulad ng inirereseta ng iyong healthcare provider. Huwag magpapainiksyon nito nang sobra o kulang sa inireseta ng iyong provider at huwag magpapainiksyon nito nang mas matagal kaysa sa inireseta. Huwag ititigil ang pagpapainiksyon ng steroid nang walang pagsang-ayon ng iyong provider. Maaaring kailanganin mong babaan nang dahan-dahan ang iyong dosis bago itigil ito.

  • Antibiotic: Kung ikaw ay may bacterial na impeksyon, ang iyong provider ay magrereseta ng gamot na antibiotic.

Ang emphysema na sanhi o pinalala ng A1AD ay maaaring gamutin ng gamot na maaaring mapabagal ang pinsala sa iyong mga baga na sanhi ng problemang ito.

Maaari rin irekumenda ng iyong healthcare provider ang:

  • Regular na ehersisyo, tulad ng paglalakad o pagsakay sa isang bisikleta na nakapirme
  • Mga ehersisyo sa paghinga
  • Isang humidifier para magdagdag ng moisture sa hangin
  • Mga pagbabago sa kapaligiran ng iyong trabaho para hindi ka napapaligiran ng mga bagay na nakapag-iirita sa iyong mga baga
  • Oxygen

Bihira, sa mga kaso ng malalang sakit, operasyon ay maaaring isang opsyon. Maaaring tanggalin ng operasyon ang pinakasirang bahagi ng mga baga kung sapat ang matitirang gumaganang baga pagkatapos ng operasyon. O, sa mga bihirang kaso, maaaring isaalang-alang ang transplant ng baga, depende sa iyong panlahatang kalusugan at kung magagawa mo man na maiwasan ang mga bagay na naging sanhi ng iyong sakit.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

Sundin ang buong takdang panahon ng paggagamot na inirereseta ng iyong healthcare provider. Bilang karagdagan:

  • Inumin ang lahat ng iyong gamot ayon sa mga pagtuturo ng iyong provider.
  • Tanungin ang iyong provider kung maaaring makatulong ang isang programa sa rehab na pulmonary Ang rehab na pulmonary ay makakatulong sa iyo sa pagsasanay na ehersisyo, suportang emosyonal, at kahit ang pagpaplano ng malulusog na pagkain.
  • Gumamit ng oxygen na therapy tulad ng itinuturo ng iyong provider.
  • Pangalagaang mabuti ang iyong puso. Panatilihing normal ang presyon ng iyong dugo at mga antas ng cholesterol. Ang sakit na ito ay maaaring mapinsala ang puso sa katagalan, kaya makipagtulungan sa iyong provider para mapanatiling malusog ang iyong puso.

Manatiling kasing ligtas at malusog hanggat kaya mo.

  • Huwag manigarilyo.
  • Iwasan ang pagkakalantad sa mga usok ng tabako, alikabok, maruming hangin, mga usok, kemikal, at amag.
  • Magpabakuna sa trangkaso taun-taon at iwasan ang malapit na pagkakadikit sa mga taong may mga ubo o trangkaso.
  • Hugasan nang madalas at mabuti ang iyong mga kamay, lalo na kapag ikaw ay nasa mga pampubliko lugar o sa paligid ng mga bata.
  • Tanungin ang tungkol sa pagpapabakuna ng pneumococcal para maprotektahan laban sa isang malalang impeksyon.
  • Iwasan ang matinding mga pagbabago sa temperatura at halumigmig, lalo na ang maiinit na temperatura at mataas na kahalumigmigan. Maaari nilang gawin na mas mahirap para sa iyo na makakuha ng sapat na oxygen.
  • Kung gagamit ka ng humidifier, panatilihing malinis ang humidifier at malaya sa mga bacteria at amag.
  • Magpahinga at matulog nang husto.
  • Kung plano mong maglakbay, talakayin ang iyong mga plano sa iyong provider para malaman kung may mga partikular na pagtuturo na kailangan mong sundin. Bilang halimbawa, tanungn kung ligtas para sa iyo na nasa matataas (5,000 piye o mas mataas) o sa mga lugar na may matataas na temperatura, mataas na kahalumigmigan, o maraming smog o usok. Kung ikaw ay lilipad at gagamit ng oxygen, tawagan ang mga airline para pag-aralan ang kanilang mga patakaran tungkol sa paggamit ng oxygen sa eroplano.

Kumain ng malusog na diyeta.

  • Kumain ng malulusog na pagkain. Ang makakuha ng tamang nutrisyon ay matutulungan ang iyong mga baga na mas mainam na gumana.
  • Kumain ng matataas-na-calorie na meryenda sa pagitan ng mga pagkain kung ikaw ay kulang sa timbang. Tanungin ang iyong healthcare provider tungkol sa pag-inom ng mga suplemento ng nutrisyon. Uminom ng bitamina at mga suplementong mineral kung inirerekumenda ng iyong healthcare provider.
  • Uminom ng maraming likido (tubig o tsaa) araw-araw para tulungan kang mas madaling iubo ang plema maliban kung sinasabi ng iyong provider na limitahan ang mga likido dahil sa isa pang kundisyong medikal na mayroon ka.

Mag-ehersisyo na inirerekumenda ng iyong healthcare provider.

  • Kung magagawa mong mag-ehersisyo, regular na mag-ehersisyo alinsunod sa mga inirerekumenda ng iyong healthcare provider. Matutulungan ng ehersisyo na panatilihing malusog ang iyong puso at iba pang kalamnan. Huwag magsisimula ng programa sa ehersisyo nang walang pagsang-ayon ng iyong provider.
  • Gawin ang mga ehersisyo sa paghinga na inirerekumenda ng iyong provider. Makakatulong ang mga ito na palakasin ang mga kalamnan na ginagamit sa paghinga. Maaaring kakailanganin mo ng physical therapist respiratory therapist para tulungan kang matutunang gawin ng wasto ang mga iyon.

Tanungin ang iyong provider.

  • Papaano at kailan mo malalaman ang mga resulta ng iyong pagsusuri
  • Kung may mga aktibidad na dapat mong iwasan, at kung kailan ka makakabalik sa iyong mga normal na aktibidad
  • Papaanong pangalagaan ang iyong sarili sa bahay
  • Anong mga sintomas o problema ang dapat mong subaybayan at ano ang gagawin kung magkakaroon ka ng mga ito

Siguruhin na alam mo kung kailan ka dapat bumalik para sa isang checkup. Puntahan ang lahat ng appointment para sa pagpapatingin o eksaminasyon ng provider.

Papaano kong maiiwasan ang emphysema?

Ang pinakamainam na paraan para maiwasan ang emphysema ay hindi paninigarilyo. Kung ikaw ay naninigarilyo, itigil na ngayon. Ang mas kakaunting taon na naninigarilyo ka, hindi gaanong malamang na mauuwi ito sa emphysema. Umiwas din sa ibang naninigarilyo.

Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2015-12-28
Huling narepaso: 2015-06-30
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image