Page header image

Karaniwang Paglaki ng isang Sanggol sa Panahon ng Pagbubuntis

(Normal Growth of a Baby During Pregnancy)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang normal na pagbubuntis ay tumatagal ng 40 linggo at hinahati ito sa tatlong trimester.
  • Sa dulo ng unang trimester o sa ikatlong buwan, ang iyong sanggol ay buo na ang porma.
  • Sa dulo ng ikalawang trimester o ika-anim na buwan, ang iyong sanggol ay halos 12 pulgada na (30 centimeters) ang haba at may timbang na halos 1 at 1/2 pound (450 hanggang 680 gramo).
  • Maaari kang mag-labor at manganak anumang oras sa pagitan ng ika-37 at ika-42 linggo ng pagbubuntis, sa ikatlong trimester.

________________________________________________________________________

Ang karaniwang pagbubuntis ay tumatagal nang halos 40 linggo. Sisimulan mong bilangin ang mga linggo ng pagbubuntis na ito mula sa unang araw ng iyong huling regla.

Ang unang tatlong buwan ng pagbubuntis ay tinatawag na unang trimester, ang susunod na tatlong buwan ay tinatawag na pangalawang trimester, at ang huling 3 buwan ay tinatawag na pangatlong trimester.

Ang isang sanggol ay lumalaki at nagbabago nang madalas sa panahong ito. Maaaring makatulong na malaman kung papaanong nagbabago ang iyong sanggol sa bawat buwan.

Unang Buwan

Halos 5 hanggang 7 araw pagkatapos mabuo ang iyong sanggol (kapag pinupunlaan ng semilya ang itlog), ang napunlaang itlog ay kumakapit sa lining ng matris. Tinatawag itong implantasyon. Pagkatapos ay magsisimulang lumaki ang itlog sa loob ng matris. Sa panahong ito ang sanggol ay tinatawag na embryo.

Sa loob ng madaling panahon pagkatapos ng pagtatanim sa itlog sa matris, ang inunan at umbilical cord ay nagsisimulang mabuo. Ang inunan at umbilical cord ay naghahatid ng pagkain at hangin sa iyong sanggol at nag-aalis ng mga dumi ng sanggol.

Sa isa pang linggo ang sanggol mayroon ng spinal cord at nagsisimulang mabuo ang mga buto ng gulugod. Nabubuo rin ang puso, at nagsisimula itong pumintig sa 5 hanggang 6 na linggo. Sa katapusan ng unang 6 na linggo ng pagbubuntis, ang ulo at ibabang katawan ng iyong sanggol ay nabubuo. Ang mga mata, utak, bibig, mga panloob ng tainga, at digestive system ay nagsisimulang mabuo, at may maliliit na usbong ang iyong sanggol na magiging mga kamay at binti. Ang iyong anak ay nasa isang supot ng likido na tinatawag na panubigan. Pinoprotektahan ng supot na ito ang sanggol sa mga pagbunggo at pagkakadiin.

Sa katapusan ng 6 na linggo ang iyong sanggol ay halos kalahating pulgada ang haba (1 sentimetro) at tumitimbang na kulang sa isang onsa (ilang gramo).

Pangalawang Buwan

Ang pangalawang buwan ay lalong mahalaga sa paglaki ng iyong sanggol. Ang pagkakalantad sa mga droga, virus, o mga kemikal na nakalalason (tulad ng mga pamatay ng insekto) ay maaaring makaapekto sa paglaki ng sanggol sa panahong ito at nagdudulot ng mga depekto sa panganganak.

Ang paglaki ng iyong sanggol ay napakabilis sa panahong ito. Sa katapusan ng pangalawang buwan, ang lahat ng mahahalagang parte ng katawan ng iyong sanggol, kabilang ang mga baga, atay, at bituka, ay nagsisimula nang mabuo. Nabubuo at lumalaki ang mga talukap ng mata ngunit saradong nakadikit, at nabubuo ang mga tainga. Ang bukung-bukong, mga daliri ng paa, mga daliri, at ang sexual na mga parte ng katawan ay nabubuo.

Sa katapusan ng pangalawang buwan, ang sanggol ay medyo lagpas sa 1 pulgada ang haba (3 sentimetro) at tumitimbang pa rin nang kulang sa 1 onsa (28 gramo). Ang ulo ng sanggol ay halos kasing laki ng natitirang katawan nito.

Pangatlong Buwan

Sa panahon ng pangatlong buwan ang mga daliri at daliri sa paa ng sanggol ay may malalabot na kuko, at nabuo na ang mga usbong ng ngipin sa ilalim ng mga gilagid. Ang buhok ay maaaring magsimulang lumabas sa ibabaw ng ulo. Mayroong mumunting ilong at ang mga labi ay nabubuo. Ang mga bato ay nabubuo at nagsisimulang magpatulo ng ihi sa pantog.

Maaaring ibuka at isara ng sanggol ang bibig nito at simulang galawin ang mga kamay, binti, at ulo nito. Gayunman, napakaaga pa rin, para maramdaman ang paggalaw na ito.

Sa katapusan ng pangatlong buwan, ang iyong sanggol ay ganap nang buo. Ang iyong sanggol ay 4 na pulgada ang haba (10 sentimetro) at tumitimbang nang medyo lagpas sa 1 onsa (higit sa 28 gramo).

Ito ang katapusan ng unang trimester ng pagbubuntis. Ang sanggol ay tinatawag na ngayong isang fetus.

Pang-apat na Buwan

Sa pang-apat na buwan, ang mga kilay at pilikmata ay nagsisimulang lumabas. Ang ibang katawan ng sanggol ay nababalutan ng pinong malambot na buhok na tinatawag na lanugo. Ang sanggol ay nag-iimbak ng sebo sa ilalim ng balat, at ang mga buto ay gumagawa ng mga blood cell. Ang mga panlabas na parte ng katawan ng kasarian ay nagiging tiyak na lalake o babae. Ang iyong sanggol ay may mga vocal cord, taste bud, at malakas na pintig ng puso.

Ang sanggol ay gumagalaw, sumisipa, natutulog, at gumigising. Maaaring simulang bahagya mong maramdaman ang paggalaw ng sanggol sa ibaba ng iyong tiyan. Maaaring ang pakiramdam nito ay parang mga bula o tumitibok nang mabilis.

Sa katapusan ng pang-apat na buwan, ang iyong sanggol ay 6 hanggang 7 pulgada (16 hanggang 18 sentimetro) ang haba at tumitimbang nang halos 6 na onsa (170 gramo).

Panlimang Buwan

Sa panahon ng panlimang buwan, ang mga panloob na parte ng katawan ay mas ganap nang buo, at ang mga kuko ng daliri ay tumubo na hanggang sa mga dulo ng mga daliri. Ang iyong sanggol ay may mas marami pang brain cell. Ang solidong dumi, na tinatawag na meconium, ay nagsisimulang mabuo sa bituka. Maaaring supsupin ng sanggol ang hinlalaki nito. Ang sanggol ay mas sobrang aktibo, pumipihit sa magkabilang gilid at sumisirko. Nakakalunok ng likido ang sanggol at umiihi sa loob ng panubigan.

Kung magpapa-ultrasound ka, na gumagamit ng mga sound wave para ipakita ang mga larawan ng sanggol, maaaring malaman mo ang kasarian ng sanggol.

Ang iyong sanggol ngayon ay halos 10 pulgada (25 sentimetro) ang haba at tumitimbang nang halos 12 onsa (340 gramo).

Pang-anim na Buwan

Ang iyong sanggol ay mabilis na lumalaki ang haba at lumalakas mula ngayon hanggang sa panganganak. Ang balat ay nakakulubot at mapula at nababalutan ng sustansya ng langis at mga cell na tinatawag na vernix. Nabubuksan at naisasara ng sanggol ang mga mata nito at nakakarinig ng mga tunog. Buo na ang mga fingerprint at footprint ng sanggol.

Sa katapusan ng buwan na ito, ang mga cell sa loob ng mga baga ng sanggol ay nagsisimulang gumawa ng masesebong sustansya na tinatawag na surfactant. Tinutulungan ng sustansyang ito ang sanggol na huminga pagkatapos ng panganganak.

Dahil napakaliit pa rin ng mga sanggol at hindi pa ganap na buo ang mga baga sa yugtong ito, kadalasan ay hindi sila mabubuhay sa labas ng sinapupunan nang walang napaka-espesyal na pangangalaga.

Sa katapusan ng ika-6 na buwan, ang iyong sanggol ay halos 12 pulgada (30 sentimetro) ang haba at tumitimbang nang halos 1 hanggang 1 at 1/2 pound (450 hanggang 680 gramo). Ang ika-anim na buwan ang huling buwan ng pangalawang trimester.

Pang-pitong Buwan

Sa panahon ng pang-pitong buwan, nag-e-ehersisyo ang sanggol sa pamamagitan ng pagsipa at pag-uunat. Ang mga buto ay nagiging mas matigas. Ang lanugo ay nagsisimulang matanggal sa mukha, at ang sanggol ay maaaring magkaroon ng mas maraming buhok sa ulo nito. Ang sanggol ay nakagagawa ng mga paghawak na mosyon sa mga kamay nito.

Sa katapusan ng pang-pitong buwan, ang iyong sanggol ay halos 15 pulgada (38 sentimetro) ang haba at tumitimbang nang 2 hanggang 3 pounds (900 hanggang 1350 gramo). Ang sanggol ngayon ay may mas mainam na pagkakataon na mabuhay kung ipanganganak nang mas maaga.

Pang-walong Buwan

Ang iyong sanggol ay sobrang lumalaki para umikot, ngunit ang mga sipa nito ay mas malakas. Maaaring makita mo ang bakas ng isang maliit na sakong o siko na dumidiin sa iyong tiyan. Ang sanggol ay nakakakuha ng mga antibody mula sa ina na tutulong protektahan ang sanggol laban sa sakit para sa unang ilang buwan pagkatapos ng panganganak. Minsan ang sanggol ay sisinukin.

Ang iyong sanggol ngayon ay 16 hanggang 18 pulgada (40 hanggang 46 sentimetro) ang haba at tumitimbang nang 4 hanggang 5 pounds (1800 hanggang 2270 gramo).

Pang-siyam na Buwan

Ang iyong sanggol ngayon ay nagiging mas mabilog at lumalaki nang halos 1/2 pound (225 gramo) bawat linggo. Ang sanggol ay nahahanda na para sa panganganak. Ang mga parte ng katawan tulad ng puso, mga baga, at mga bato ay makakayanan nang sariling gumana pagkatapos ng panganganak. Ang lanugo ay halos wala na. Ang sanggol ay kadalasang naaayos sa isang posisyon na ang ulo ay nakababa sa kanal ng panganganak at ang mga tuhod ay pasalungat sa ilong nito na tinatawag na fetal position. Minsan ang sanggol ay naaayos na ang puwit nito ang nasa kanal ng panganganak sa isang posisyon na tinatawag na breech position.

Maaaring maramdaman mong nahuhulog pababa ang sanggol sa balakang sa panahon ng 2 hanggang 3 linggo, na malapit na sa petsa ng panganganak. O maaaring hindi mo maramdaman ang paghulog ng iyong sanggol hanggang bago lang o kahit na pagkatapos mag-umpisa ang pag-labor. Bagaman ang karamihan sa mga buto ng sanggol ay tumigas na, ang mga buto sa ulo ay nananatiling malambot at flexible para sa pagpapanganak palagos sa kanal ng panganganak.

Ang iyong sanggol ngayon ay halos 20 pulgada (50 sentimetro) ang haba at tumitimbang nang 6 hanggang 9 pounds (2700 hanggang 4000 gramo).

Walang nakakaalam kung ano ang nakapagpapasimula sa pag-labor. Maaari kang mag-labor at manganak sa anumang oras sa pagitan ng ika-37 at ika-42 linggo ng pagbubuntis.

Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2015-12-28
Huling narepaso: 2015-10-20
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image