Page header image

Kanser sa Baga

(Lung Cancer)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang kanser sa baga ay isang paglaki ng mga hindi normal na cell na bumubuo ng mga tumor sa baga.
  • Maaaring kasama sa paggamot ang operasyon, chemotherapy, radiation, o gamot upang matulungan ang iyong immune system na labanan ang kanser. Kadalasan, higit sa 1 paggagamot ang ginagamit.
  • Pagkatapos ng paggagamot, kakailanganin mo ng regular na mga follow-up na pagpapatingin sa iyong healthcare provider.

________________________________________________________________________

Ano ang kanser sa baga?

Ang kanser sa baga ay isang pagtubo ng mga hindi normal na cell na bumubuo ng mga tumor sa baga. Ang kanser sa baga ay isa sa pinaka-karaniwang uri ng kanser sa US at isang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa kanser.

Kapag huminga ka, nagdadala ang mga baga ng oxygen sa iyong katawan at naglalabas ng carbon dioxide. Ang carbon dioxide ay isang produkto ng dumi ng mga cell ng iyong katawan.

Ang kanser sa baga ay maaaring kumalat sa iba pang bahagi ng iyong katawan, kadalasan sa atay, utak, mga buto, at sa iba pang bahagi ng mga baga. Ang kanser sa iba pang bahagi ng iyong katawan ay maaari rin kumalat sa mga baga, ngunit iba ito sa kanser na nagsisimula sa mga baga.

Mas maagang matuklasan at magamot ang kanser, mas mainam ang iyong pagkakataon na gumaling. Gayunman, kahit na ang advanced na kanser ay kadalasa’y nagagamot. Ang paggagamot ay maaaring pabagalin o pahintuin ang pagdami ng kanser at paginhawahin ang mga sintomas nang sandali. Tanungin ang iyong healthcare provider kung ano ang maaasahan mo sa klase ng kanser na mayroon ka.

Ano ang sanhi?

Ang tabako ay nauugnay sa karamihan ng sanhi ng kanser sa baga. Bilang karagdagan sa paninigarilyo, ang mga bagay na nagpapataas sa iyong peligro para sa kanser sa baga ay kabilang ang pagkakalantad sa:

  • Iba pang usok ng mga tao (secondhand smoke, o passive smoking)
  • Polusyon ng hangin
  • Radiation sa iyong trabaho o sa iyong kapaligiran.
  • Asbestos
  • Radon gas
  • Mga kemikal na pang-industriya, tulad ng mga byproduct mula sa pagsala ng petrolyo

Ano ang mga sintomas?

Ang kanser sa bagay ay tumutubo nang sandali nang hindi nagdudulot ng mga sintomas. Kapag nagsimula kang magkaroon ng mga sintomas, maaaring kasama sa mga ito ang:

  • Ubo
  • Pag-ubo na may dugo
  • Kakapusan ng hininga
  • Paghinga nang may tunog
  • Pamamalat
  • Pananakit ng dibdib
  • Pagbaba ng timbang
  • Kawalan ng gana

Papaano itong sinusuri?

Rerepasuhin ng iyong healthcare provider ang iyong mga sintomas at susuriin ka. Isang sampol ng plema na naidahak mula sa iyong mga baga ay maaaring makita kung mayroong mga cancer cell. Maaaring magkaroon ka ng mga pagsusuri tulad ng:

  • Isang X-ray sa dibdib
  • CT scan, na gumagamit ng mga X-ray at isang computer para makita ang mga detalyadong larawan ng mga baga
  • PET scan, na isang uri ng X-ray na gumagamit ng radioactive na materyal na iniiniksyon sa ugat para makita ang detalyadong mga larawan ng kanser
  • Ang bronchoscopy, na isang manipis, nababaluktot na may-ilaw na tubo na pinapadaan sa iyong bibig at pababa sa iyong mga baga para suriin ang mga daanan ng hangin.
  • Biopsy ng baga, na maaaring isagawa sa panahon ng isang bronchoscopy, gamit ang isang karayom na idinadaan sa balat, o sa panahon ng operasyon, para kumuha ng maliit na sampol ng tissue para sa pagsusuri

May iba’t ibang klase ng kanser sa baga, at magkakaibang ginagamot ang mga ito. Ang pinaka-karaniwang mga klase ay pinapangalanan sa kung ano ang hitsura ng mga cancer cell sa microscope. Ang mga klase ay:

  • Non-small cell na kanser sa baga
  • Small cell na kanser sa baga

Ang small cell na kanser sa baga ay malamang na mabilis kumalat. Ang karamihan sa kanser sa baga ay non-small cell na kanser sa baga. Ang mga ito ay mas mabagal na kumalat kaysa sa small cell na kanser sa baga.

Papaano itong ginagamot?

Ikaw at ang iyong healthcare provider ay pag-uusapan ang mga posibleng paggagamot. Maaari ka rin makipag-usap sa isang nag-oopera o mga espesyalista sa kanser. Ilang bagay-bagay na pag-iisipan kapag nagdedesisyon sa paggagamot ay:

  • Iyong edad
  • Ang iyong panlahatang kalusugan
  • Yugto ng kanser (kung gaanong ka-advance ang kanser)
  • Kung kumalat ang kanser sa iba pang bahagi ng iyong katawan

Operasyon ang nag-iisang pinakamagandang paraan para malunasan ang kanser sa baga. Ito ang karaniwang paggagamot kung mayroon kang isang tumor at ang kanser ay non-small cell na kanser sa baga na may kaunti o walang pagkalat sa mga kalapit na tissue. Ang bahagi ng isang baga o isang buong baga ay maaaring kailangang matanggal. Kapag kumalat ang kanser sa baga sa panggilid na lining ng isang baga, maaaring maipon ang likido sa dibdib sa labas ng baga at pinahihirapan nito ang baga na magpasok ng hangin. Maaaring tanggalin ng iyong healthcare provider ang likido sa pamamagitan ng karayom para mas madali kang makahinga.

Ang iba pang posibleng mga paggagamot ay:

  • Radiation therapy, na gumagamit ng malakas-na-enerhiyang mga X-ray para patayin ang mga cancer cell
  • Chemotherapy (mga gamot na anticancer), na gumagamit ng gamot para patayin ang mga cancer cell
  • Biological therapy, na gumagamit ng mga gamot na tinutulungan ang iyong immune system na labanan ang kanser

Isasama rin sa iyong paggagamot ang:

  • Pagpigil sa mga impeksyon
  • Pagkontrol ng kirot o iba pang sintomas na maaaring nararanasan mo
  • Pagkontrol sa mga side effect mula sa mga paggagamot
  • Pagtulong sa iyo na pangasiwaan ang iyong buhay kasama ang kanser

Kadalasan, higit sa 1 paggagamot ang ginagamit. Pagkatapos ng paggagamot, ang kanser sa baga ay maaaring bumalik. Kakailanganin mo ng regular na mga follow-up na pagpapatingin sa iyong healthcare provider.

Tanungin ang iyong healthcare provider tungkol sa mga clinical trial na maaaring nakalaan sa iyo. Ang mga clinical trial ay mga pananaliksik na pag-aaral para humanap ng mabibisang paggagamot sa kanser. Ito’y palaging kagustuhan mo kung makikilahok ka sa isa o hindi.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

Kung ikaw ay nasuri nang may kanser sa baga.

  • Pag-usapan ang tungkol sa iyong kanser at mga opsyon sa paggagamot kasama ng iyong healthcare provider. Siguruhing nauunawaan mo ang iyong mga pagpipilian.
  • Sundin ang buong takdang panahon ng paggagamot na inirereseta ng iyong healthcare provider.
  • Uminom ng maraming likido para panatilihing manipis ang plema sa iyong baga.
  • Tanungin ang iyong healthcare provider:
    • Papaano at kailan mo malalaman ang mga resulta ng iyong pagsusuri
    • Gaanong katagal para makapanumbalik sa dating lakas ng katawan
    • Kung may mga aktibidad na dapat mong iwasan, at kung kailan ka makakabalik sa iyong mga normal na aktibidad
    • Papaanong pangalagaan ang iyong sarili sa bahay
    • Anong mga sintomas o problema ang dapat mong subaybayan at ano ang gagawin kung magkakaroon ka ng mga ito

Siguruhin na alam mo kung kailan ka dapat bumalik para sa isang checkup. Puntahan ang lahat ng appointment para sa pagpapatingin o eksaminasyon ng provider.

Kasama ang iba pang bagay na maaaring makatulong:

  • Kumain ng malusog na diyeta at mag-ehersisyo nang regular tulad ng inirerekumenda ng iyong healthcare provider.
  • Magpahinga nang husto.
  • Subukang bawasan ang stress at maglaan ng panahon para sa mga aktibidad na nasisiyahan ka. Maaaring makatulong na makipag-usap sa isang tagapayo tungkol sa iyong sakit.
  • Makipag-usap sa iyong pamilya at sa iyong mga healthcare provider tungkol sa iyong mga alalahanin. Magtanong sa iyong healthcare provider ng kahit ano may kinalaman sa sakit, paggamot, mga side effect ng paggamot, sekswal na aktibidad, mga grupong sumusuporta, at anumang bagay na aalalahanin mo.
  • Kung maninigarilyo ka, subukang tumigil.
  • Tanungin ang iyong provider kung kailangan mong iwasan ang pag-inom ng alkohol. Maaaring makagambala ito sa mga gamot na iyong iniinom. Ang alkohol ay mas nakapagpapahirap din para sa mga white blood cell na labanan ang mga impeksyon.
  • Sabihin sa iyong provider kung ang iyong paggagamot ay nagdudulot ng hindi kaginhawahan. Kadalasan may mga paraan para tulungan kang maging mas komportable.

Papaano akong makakatulong pigilan ang kanser sa pagkalat o magbalik?

  • Kumpletuhin ang buong takdang panahon ng operasyon, radiation, o mga paggagamot na chemotherapy na inuutos ng iyong healthcare provider.
  • Agad na magpatingin sa iyong healthcare provider kung mapansin mo ang pabalik ng anumang dating sintomas, o nagkaroon ka ng mga bagong sintomas.

Para sa higit na impormasyon, kontakin ang:

Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2016-10-18
Huling narepaso: 2016-05-10
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image