________________________________________________________________________
MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO
- Ang lupus ay isang pangmatagalang sakit na sanhi ng iyong katawan sa pag-atake sa sarili nitong tissue.
- Maaaring maapektuhan ng lupus ang mga kalamnan, bato, nervous system kabilang ang utak, daluyan ng dugo, baga, at puso. Paminsan-minsan naaapektuhan lang nito ang iyong balat.
- Ang lupus ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng mangilan-ngilang uri ng gamot.
________________________________________________________________________
Ano ang systemic lupus erythematosus?
Ang systemic lupus erythematosus (tinatawag ding SLE o lupus) ay isang sakit ng autoimmune. Nangangahulugan ito na ang depensa ng iyong katawan laban sa mikrobyo, lason, at kanser (ang iyong immune system) ay inaatake ang iyong sariling malusog na tissue.
Kapag may lupus ka, ang bahagi ng iyong balat o mga kasukasuan ay nananakit, namumula, at lumalaki (namamaga). Maaari ding maapektuhan ang iba pang mga bahagi ng katawan, tulad ng mga kalamnan, bato, nervous system kabilang ang utak, daluyan ng dugo, baga, at puso.
Ang lupus ay isang malalang (pangmatagalang) sakit. Ang isang malalang sakit ay hindi ganap na nawawala. Maaaring may mahabang panahon na wala kang anumang sintomas. Kapag nagkaroon ka ng mga sintomas, kadalasang may mga bagay na maaari mong gawin para kontrolin ang mga ito.
Kapag grabe ang lupus, maaaring nakalulumpo ito o banta rin sa buhay. Ang maagang diyagnosis ng lupus at maaagap na paggagamot kapag nagsimula kang magkaroon ng mga sintomas ay makakatulong na mapigilan ang pinsala sa mga bahagi ng iyong katawan at matutulungan kang mamuhay nang normal.
Ano ang sanhi?
Ang eksaktong sanhi ng lupus ay hindi nalalaman. Hindi mo makukuha ito mula sa isa pang tao. Sa ilang mga kaso, nasa lahi ito ng pamilya. Kadalasa’y may isang bagay na nagpapaumpisa sa mga sintomas ng lupus, tulad ng viral na impeksyon o sobrang sikat ng araw, ngunit ang ilang tao ay nagsisimulang magkaroon ng mga sintomas nang walang alam na dahilan.
Karamihang naaapektuhan ng lupus ay mga bata at kagitnang-edad na kababaihan. Ang ilang gamot ay maaaring maging sanhi ng mga sintomas na katulad sa—bilang halimbawa, mga gamot na ginagamit para gamutin ang mataas na presyon ng dugo, hindi normal na ritmo ng puso, sakit na Crohn, o rheumatoid arthritis. Kadalasan ang mga sintomas ng lupus ay nawawala kapag itinitigil ang gamot.
Ano ang mga sintomas?
Ang lupus ay hindi nakakaapekto sa sinuman sa parehong paraan. Ang ilang karaniwang sintomas ay:
- Makirot at lumalaking kasu-kasuan
- Lagnat na hindi alam ang dahilan
- Pagkasensitibo sa sikat ng araw, na ang ibig sabihin ay mas madali kang ma-sunburn at ang iyong mga sintomas ay lumalala kapag nasa labas ka ng araw
- Pantal, kadalasang nasa mukha
- Makirot, maputla, asul o mapulang mga daliri o mga daliri sa paa kapag nilalamig ka o nai-i-stress (Raynaud phenomenon)
- Pagud-napagod o mahina ang pakiramdam
- Paglagas ng buhok
- Mga namamagang gland
- Pagkawala ng memorya o problema sa pag-iisip nang malalim
- Kirot sa dibdib kapag humihinga ng malalim
- Mataas na presyon ng dugo
Ang ilang taong may lupus ay may klase na naaapektuhan lamang ang balat, kadalasang sa mga bahaging nakalantad sa araw. Ang pantal ay maaaring banayad, na may pamumula lang, o malala, na may magaspang, pabilog na mga patse na nag-iiwan ng mga peklat o nagiging sanhi ng pagkalagas ng buhok. Maaaring mayroon kang ulser sa bibig.
Ang SLE ay maaaring maging sanhi ng pinsala sa puso na ginagawa nitong mas mahirap para sa puso na epektibong bumomba ng dugo sa katawan.
Maaaring may mga panahon na wala kang mga sintomas. Ang mga panahong ito ay tinatawag na remissions. Mga panahon kapag ang mga sintomas ay mas malala ay tinatawag na flares o flare-ups.
Papaano itong sinusuri?
Ang lupus ay maaaring mahirap na masuri. Ang mga sintomas ng lupus ay katulad sa mga sintomas ng iba pang problema sa kalusugan. Ang mga sintomas ay maaaring lumabas at mawala nang mga buwan o taon, kaya maaaring mahirap na malaman na ang mga sintomas ay sanhi lahat ng parehong sakit.
Tatanungin ng iyong healthcare provider ang tungkol sa iyong mga sintomas at medikal na history at eeksaminin ka. Maaaring kabilang sa mga pagsusuri ang:
- Mga pagsusuri ng dugo
- Mga pagsusuri ng ihi para sa mga problema sa bato
- Biopsy ng balat o bato, na siyang pagtanggal ng maliit na sampol ng tissue para sa pagususri.
Papaano itong ginagamot?
Walang panglunas para sa lupus sa panahong ito. Gayunman, may mga gamot na makakatulong paginhawahin ang iyong mga sintomas at malimitahan ang pinsala sa mga parte ng katawan mo. Bilang halimbawa:
- Para sa pangingirot, maaari kang uminom ng mga nonprescription nonsteroidal anti-inflamatory drug (NSAID), tulad ng aspirin, ibuprofen, at naproxen. Ang mga NSAID ay maaaring maging sanhi ng pagdurugo ng bituka at ibang problema. Ang mga peligrong ito ay tumataas sa edad. Basahin ang label at inumin tulad ng inuutos. Maliban kung irerekumenda ng iyong healthcare provider, huwag uminom ng NSAID nang higit sa 10 araw para sa anumang dahilan.
- Para sa pamamaga, maaaring magreseta ang iyong healthcare provider ng mga steroid pill, pamahid, o mga iniksyon. Ang paggamit ng steroid sa mahabang panahon ay maaaring magkaroon ng mga malalang side effect. Inumin nang eksaktong gamot na steroid tulad ng inirereseta ng iyong healthcare provider. Huwag magpapainiksyon nito nang sobra o kulang sa inireseta ng iyong provider at huwag magpapainiksyon nito nang mas matagal kaysa sa inireseta. Huwag ititigil ang pagpapainiksyon ng steroid nang walang pagsang-ayon ng iyong provider. Maaaring kailanganin mong babaan nang dahan-dahan ang iyong dosis bago itigil ito.
- Mga gamot na ginagamit din upang gamutin ang malaria ay maaaring gamitin upang gamutin ang sintomas sa balat o kasu-kasuan.
- Mga gamot na nakakatulong sa pagkontrol ng iyong immune system ay maaaring ireseta sa paggamot sa malubhang sintomas at upang bawasan ang mga pag-flare up.
- Ang ibang gamot ay maaaring ireseta para gamutin ang iba pang problema sanhi ng lupus, tulad ng mga problema sa bato, mga problema sa puso, pananakit ng ulo, o mga atake.
Ang iyong healthcare provider ay makikipagtulungan sa iyo para mahanap ang pinakamaiinam na gamot para mapangasiwaan ang iyong mga sintomas. Kakailanganin mo ng mga follow-up na eksaminasyon para masuri ang epekto ng mga gamot at ang antas ng pamamaga sa iyong katawan. Sasabihin sa iyo ng iyong provider kung gaanong kadalas mong kailangang maeksamen.
Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?
- Sumali sa iyong pangangalaga. Alamin ang lahat ng maaari mong malaman tungkol sa lupus, ang iyong mga gamot, at kung ano ang aasahan. Gumawa ng plano kasama ang iyong healthcare provider para mapangasiwaan ang iyong mga sintomas. Sundin ang plano ng iyong healthcare provider para sa paggagamot, kabilang ang kung papaanong inumin ang iyong mga gamot at kailan ka dapat magpatingin at magpaeksamen para sa follow-up. Tanungin ang iyong provider.
- Papaano at kailan mo malalaman ang mga resulta ng iyong pagsusuri
- Gaanong katagal para makapanumbalik sa dating lakas ng katawan
- Kung may mga aktibidad na dapat mong iwasan, at kung kailan ka makakabalik sa iyong mga normal na aktibidad
- Papaanong pangalagaan ang iyong sarili sa bahay
- Anong mga sintomas o problema ang dapat mong subaybayan at ano ang gagawin kung magkakaroon ka ng mga ito
- Iwasan ang mga bagay na mukhang magpapasimula ng iyong mga sintomas.
- Manatiling pisikal na aktibo, ayon sa mga rekumendasyon ng iyong provider. Maaaring madali kang mapagod, ngunit kadalasan ay hindi mo kailangang isuko ang iyong mga karaniwang aktibidad. Sa panahon ng mga remission, subukang mas maging aktibo para mapanatiling malakas ang iyong mga kalamnan at flexible ang iyong mga kasu-kasuan.
- Siguruhin na makapagpapahinga ka nang husto. Huwag hayaang masyadong pagurin o hapuin ang iyong sarili. Mag-aral ng mga paraan para makaagapay sa stress, lalo na kung nagpapasimula ng stress ang iyong mga sintomas.
- Kumain ng malusog na diyeta at magpanatili ng malusog na timbang.
- Iwasan ang labis na pagkalantad sa araw. Subukang iwasan ang mga aktibidad sa labas ng bahay sa mga oras na matindi ang sikat ng araw (kadalasang 10 AM hanggang 4 PM). Ang pagkakabilad sa araw ay maaaring magpalala sa mga pantal sa balat at iba pang problema ng lupus. Kapag nabibilad ka sa sikat ng araw, magsuot ng sumbrero para matabingan ang iyong mukha. Magsuot ng damit na natatakpan ang iyong mga kamay, binti, at dibdib. Laging gumamit ng SPF (sun protection factor) ng 15 o mas mataas.
- Huwag manigarilyo.
- Kung may mga problema ka sa memorya o pag-iisip nang malalim, subukang manatiling maayos at isulat ang mga bagay para hindi mo makalimutan ang mga ito. Subukang mag-focus sa paisa-isang gawain lang. Kontakin ang iyong healthcare provider kung ang mga sintomas na ito ay mukhang lumalala.
- Magpagamot ng maaga sa mga bagong sintomas, impeksiyon, o iba pang mga sakit. Iwasan ang mga tao na may mga sakit na maaari mong makuha, tulad ng sipon o trangkaso, dahil ang pagkakasakit ay maaaring makapag-flare up ng iyong lupus.
- Manatiling up to date sa mga inirerekumendang iniksyon (mga bakuna). Magpainiksyon sa trangkaso taun-taon at tanungin ang iyong health care provider tungkol sa alinmang ibang bakuna na maaaring kailangan mo.
- Kumuha ng suporta. Makipag-usap sa pamilya at mga kaibigan. Sumali sa isang grupo ng suporta sa iyong lugar.
Para sa higit na impormasyon, maaari mong kontakin ang:
Lupus Foundation of America
800-558-0121 (English)
http://www.lupus.org
Developed by RelayHealth.
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.