Page header image

Matinding Depresyon

(Major Depression)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang matinding depresyon ay isang malubhang depresyon na tumatagal nang higit sa 2 linggo. Ang depresyon ay isang kundisyon kung saan ay nalulungkot ka, walang pag-asa, at hindi interesado sa pang-araw-araw na buhay.
  • Maaaring kasama sa lunas ang gamot, therapy, at pag-aaral ng mga paraan para makontrol ang stress. Sa malalalang mga kaso, kailangan kang gamutin sa ospital.
  • Kung ikaw ay nade-depress at pakiramdam na maaaring saktan ang iyong sarili o ang iba, tawagan kaagad ang iyong healthcare provider o therapist.

________________________________________________________________________

Ano ang matinding depresyon?

Ang matinding depresyon ay isang malubhang depresyon na tumatagal nang higit sa 2 linggo. Ang depresyon ay isang kundisyon kung saan ay nalulungkot ka, walang pag-asa, at hindi interesado sa pang-araw-araw na buhay. Ang depresyon ay maaari kang pigilan na gawin ang mga pang-araw-araw na aktibidad. Maaari kang magkaroon ng matinding depresyon nang minsan lang, o maaari kang magkaroon nito nang madalas sa iyong buhay.

Ano ang sanhi?

Ang eksaktong sanhi ng depresyon ay hindi nalalaman. Kabilang sa mga posibleng sanhi ang:

  • Ang utak ay gumagawa ng mga kemikal na nakakaapekto sa mga pag-iisip, emosyon, at mga kilos. Kung walang tamang balanse ng mga kemikal na ito, maaaring may mga problema sa kung papaano kang mag-isip, makaramdam, o kumilos. Ang mga taong may ganitong sakit ay maaaring may kakaunti o napakarami ng ilan sa mga kemikal na ito.
  • Mas karaniwan ang depresyon kung mayroon kang isang direktang kamag-anak na may depresyon. Ang matinding depresyon ay maaaring sanhi ng genes na naipasa sa magulang hanggang sa anak.
  • Pang-aabuso sa pagkabata, kapabayaan, o kahirapan ay maaaring magpataas ng panganib para mabuo ang depresyon sa panahon ng pagkabata o pagkalipas ng maraming taon. Mabibigat na pangyayari at iba pang mga problema na naging sanhi ng stress ay maaari ring dahilan.
  • Ang mga taong may mababang pagpapahalaga sa sarili o isang negatibong pag-uugali tungkol sa buhay ay nasa mas mataas na panganib ng depresyon.
  • Ang ilang gamot ay maaaring maging sanhi ng depresyon o makapagpalala nito. Kasama sa mga ito ang ilang gamot sa presyon ng dugo, mga pildoras na pang-patulog, gamot sa atake, at mga steroid tulad ng prednisone.
  • Ang isang matinding problema sa medikal tulad ng sakit sa puso, kanser, o chronic pain ay nagpapataas ng iyong panganib para sa depresyon.
  • Iba pang problema sa kalusugan sa isip, tulad ng sakit na anxiety, sakit na post-traumatic stress, o sakit sa pagkain ay nagpapataas sa iyong panganib para sa depresyon.
  • Pag-abuso sa alak o droga ay nagpapataas sa iyong panganib.

Ang depresyon ay mas karaniwan sa kababaihan kaysa sa kalalakihan. Maaari itong magsimula sa anumang edad.

Ano ang mga sintomas?

Bukod sa pakiramdam na napakalungkot at hindi interesado sa mga bagay na kadalasang ine-enjoy mo, maaaring kabilang sa mga sintomas ang:

  • Pagiging iritable
  • Nagkakaproblema sa pagtulog, paggising nang napakaaga, o pagtulog nang sobra kaysa dati
  • Napapansing mga pagbabago sa iyong gana at timbang, pataas man o pababa
  • Masyadong pagod na pakiramdam o nanghihina
  • Nawawalan ng interes sa sex
  • Nakararamdam nang kawalang-kwenta at guilty
  • Hindi makapag-isip nang malalim o makatanda ng mga bagay
  • Pakiramdam nang kawalang pag-asa o talagang nawawalan ng pakialam sa anumang bagay
  • Nagkaroon ng mga pisikal na sintomas tulad ng pananakit ng ulo at pangingirot sa kasukasuan
  • Madalas mag-isip tungkol sa kamatayan o pagpapakamatay

Papaano itong sinusuri?

Tatanungin ka ng iyong healthcare provider o therapist tungkol sa iyong mga sintomas. Sisiguruhin niya na wala kang medikal na karamdaman o problema sa droga o alcohol na maaaring maging sanhi ng mga sintomas. Maaari kang sumailalim sa mga lab test upang makita ang iba pang posibleng dahilan ng iyong mga sintomas.

Papaano itong ginagamot?

Ang depresyon ay maaaring matagumpay na magamot sa pamamagitan ng gamot, therapy, o pareho.

Gamot

Ang mangilan-ngilang klase ng gamot ay makakatulong. Makikipagtulungan ang iyong healthcare provider para piliin ang pinakamainam na gamot. Maaaring kailanganin mong uminom nang higit sa isang klase ng gamot.

Therapy

Ang pagpapatingin sa isang therapist sa kalusugan ng pag-iisip ay nakakatulong. Ang cognitive behavioral therapy (CBT) ay isang anyo ng therapy na tumutulong sa iyo na makilala at baguhin ang proseso ng pag-iisip at malaman ang mga paraan upang mas mahusay na makayanan ang stress. Ang pag-aaral ng mga paraan upang palitan negatibong kaisipan ng mas maraming positibo ay maaaring makatulong sa iyong depresyon.

Ang interpersonal therapy ay matutulungan kang gumawa sa isa o dalawang larangan ng problema, tulad ng mga relasyon sa mga kaibigan at pamilya.

Ang Repetitive Transcranial Magnetic Stimulation (rTMS) ay maaaring isa pang opsyon. Gumagamit ito ng magnetic pulses upang pasiglahin ang mga nerve cell sa utak at mapawi ang mga sintomas ng depresyon.

Kung mayroon kang malubhang depresyon na hindi napapabuti ng gamot at therapy, ang electroconvulsive therapy (ECT) ay maaaring makatulong. Sa ECT, isang kontroladong electric current ay dumadaan sa utak, na gumagawa ng isang maikling seizure. Mababawasan nito ang mga sintomas na nakakaapekto sa iyong mga saloobin, damdamin, at pagkilos.

Iba pang paggagamot

Isang diyeta na mayaman sa mga prutas at gulay ay inirerekumenda. Ang pandagdag na bitamina at mineral ay maaari rin mairekumenda. Pag-alam sa mga paraan para magpahinga ay maaaring makatulong. Yoga at meditasyon ay maaari rin makatulong. Maaaring gusto mong makipag-usap sa iyong healthcare provider tungkol sa paggamit sa mga pamamaraang ito kasama ang mga gamot at therapy.

May ginawang mga pag-aangkin na ang ilang herbal at mga produktong gawa sa gatas ay nakatutulong kontrolin ang mga sintomas ng depresyon. Ang mga Omega-3 fatty acid ay maaaring makatulong para mabawasan ang mga sintomas ng depresyon. Maaaring makatulong ang damong maria sa mahinang sintomas ng depresyon. Hindi nito matutulungan ang malalalang kaso ng depresyon. Walang herb o suplementong pang-diyeta ang napatunayan nang palagi o ganap na nakakapawi sa mga sintomas ng depresyon. Ang mga suplemento ay hindi nasusuri o naaalinsunod sa pamantayan at maaaring mag-iba-iba sa mga pagkakabisa at epekto. Maaaring magkaroon ang mga ito ng mga side effect at hindi palaging ligtas. Makipag-usap sa iyong healthcare provider bago mo gamitin ang alinman sa mga produktong ito.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

  • Inumin ang iyong mga gamot araw-araw, kahit na maganda ang iyong pakiramdam. Huwag ititigil ang pag-inom ng gamot nang walang pagsang-ayon ng iyong healthcare provider.
  • Kumuha ng suporta. Makipag-usap sa pamilya at mga kaibigan. Isaalang-alang ang pagsali sa isang grupo ng suporta sa inyong lugar.
  • Maging aktibo. Gumawa ng mga bagay na masisiyahan ka, kahit na hindi mo gusto ang paggawa nito.
  • Alamin kung papaanong pangasiwaan ang stress. Humingi ng tulong sa bahay at trabaho kapag sobrang daming gawain ang gagawin. Maghanap ng mga paraan para magpahinga, bilang halimbawa kumuha ng libangan, makinig sa musika, manood ng sine, o maglakadlakad. Subukan ang malalalim na ehersisyo sa paghinga kapag nai-stress ka.
  • Pangalagaan ang iyong pisikal na kalusugan. Subukang matulog nang 7 hanggang 9 na oras gabi-gabi. Kumain ng malusog na diyeta. Limitahan ang caffeine. Kung maninigarilyo ka, subukang tumigil. Mag-ehersisyo ayon sa mga itinuturo ng yong healthcare provider.
  • Iwasan ang alkohol at mga droga dahil maaaring palalain ng mga ito ang iyong mga sintomas.
  • Suriin ang iyong mga gamot. Ang ilang gamot ay maaaring makadagdag sa mga sintomas ng depresyon. Kung nagkaroon ka na ng depresyon, sabihin sa lahat ng healthcare provider na gumagamot sa iyo ang tungkol sa lahat ng gamot na iniinom mo, kabilang ang produktong hindi inireseta at mga natural na remedyo.
  • Kontakin ang iyong healthcare provider o therapist kung mayroon kang anumang katanungan o ang iyong mga sintomas ay mukhang lumalala.

Kumuha ng emergency na pangangalaga kung ikaw o isang minamahal ay may seryosong iniisip na pagpapakamatay o pananakit ng iba.

Para sa higit na impormasyon, kontakin ang:

Developed by RelayHealth.
Adult Advisor 2016.4 nilathala ng RelayHealth.
Huling binago: 2015-12-28
Huling narepaso: 2016-08-05
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.
Page footer image