________________________________________________________________________
MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO
- Ang kanser sa prostate ay ang paglago ng abnormal cells sa prostate gland, kung saan ay bahagi ng reproductive system ng lalaki.
- Maaaring kasama sa paggamot ang paghihintay hanggang sa magkaroon ka ng sintomas, o pagpapa-opera, chemotherapy, radiation, o gamot na dinisenyo upang tulungan ang iyong immune system na labanan ang kanser. Maaaring gamitin ang higit pa sa 1 paggagamot.
- Pagkatapos ng paggagamot, kakailanganin mo ng regular na mga follow-up na pagpapatingin sa iyong healthcare provider.
________________________________________________________________________
Ano ang kanser sa prostate?
Ang kanser sa prostate ay isang pamumuo ng mga abnormal na cell sa prostate gland. Ang mga paglaki ng mga cancel cell ay tinatawag na mga tumor.
Ang prostate gland ay bahagi ng reproductive system ng lalake. Ito’y halos kalaki ng isang walnut. Nakalagay ito sa loob ng katawan, sa pagitan ng pantog at ng ari ng lalake. Ito ay pumapalibot sa itaas na bahagi ng tubo (urethra) na nagdadala ng ihi mula sa pantog papalabas sa ari ng lalaki. Ang prostate ay gumagawa ng likido na pinalulusog ang semilya at tumutulong dalhin ito papalabas sa katawan sa panahon ng sex.
Mas maagang matuklasan at magamot ang kanser, mas mainam ang iyong pagkakataon na gumaling. Gayunman, kahit na ang advanced na kanser ay kadalasa’y nagagamot. Ang paggagamot ay maaaring pabagalin o pahintuin ang pagdami ng kanser at paginhawahin ang mga sintomas nang sandali. Tanungin ang iyong healthcare provider kung ano ang maaasahan mo sa klase ng kanser na mayroon ka.
Ano ang sanhi?
Ang sanhi ng kanser sa prostate ay hindi nalalaman. May ilang mga bagay na tila nakaka dagdag sa panganib ng kanser sa prostate, tulad ng:
- Edad: Ang tsansa ng pagkakaroon ng kanser sa prostate ay mas tumataas habang nagkakaedad ka. Ang kanser sa prostate ay bihirang matagpuan sa kalalakihan na mas bata sa 45. Ang karamihan sa kalalakihang nasuring may kanser sa prostate ay mas matanda sa 65.
- History ng pamilya: Ang iyong peligro ay 2 hanggang 3 beses na mas mataas kung ang iyong ama o kapatid na lalake ay nagkaroon ng kanser sa prostate.
- Lahi: Ang kanser sa prostate ay mas karaniwan at mas malamang na maging nakamamatay sa kalalakihan ng African-American.
- Diyeta at labis na katabaan: Ipinapahiwatig ng mga pag-aaral na kung kakain ka ng diyeta na mataas sa red meat at taba, mayroon kang mas mataas na peligro para sa kanser na prostate. Kung kakain ka ng diyeta na mayaman sa mga prutas at gulay, ang iyong peligro ay maaaring mas mababa. Kung ikaw ay sobra sa timbang, maaaring mas malamang na makamamatayan mo ito.
Ano ang mga sintomas?
Ang kanser sa prostate ay kadalasang walang mga sintomas, lalo na sa maaagang yugto. Kapag talagang lalabas ang mga sintomas, maaaring kabilang sa mga ito ang:
- Kahirapan sa pagsisimula o pagpapatigil sa daloy ng ihi
- Ang mahinang daloy ng ihi
- Madalas at madaliang pangangailangan na umihi, lalo na sa gabi
- Dugo sa ihi o isperma
- Pananakit o napapaso kapag iihi ka
- Kahirapang magpatigas, o pananakit kapag lalabas ang isperma sa ari ng lalake sa panahon ng sex
- Madalas na pananakit sa bandang ibaba ng likod, balakang, o bandang itaas ng hita (kadalasang dahil sa pagkalat ng kanser na lampas sa prostate gland)
Ang ilan sa mga sintomas na ito ay maaaring sanhi ng iba pang mga problema, tulad ng impeksiyon o paglaki ng prostate dahil sa pag-edad. Normal sa kalalakihan na magkaroon ng pinalaking prostate habang tumatanda sila. Kung mayroon ka ng anuman sa mga senyales o sintomas na nakalista sa itaas, dapat kang magpatingin sa iyong healthcare provider para masuri ang mga problema at magamot nang maaga hangga’t maaari.
Ano ang metastasis?
Ang pagkalat ng mga cancer cell mula sa isang bahagi ng katawan papunta sa iba pang bahagi ay tinatawag na metastasis. Ano ang nagiging sanhi ng kanser para kumalat ay hindi nalalaman. Ang mga cancer cell ay maaaring:
- Lumaki sa bahaging paligid ng tumor
- Lumibot sa iba pang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng daloy ng dugo o sa lymph system. Ang lymph system ay bahagi ng sistema ng iyong katawan para labanan ang impeksiyon. Ang sistema ng lymph ay binubuo ng kulani na nag-iimbak ng blood cells (lymphocytes) upang labanan ang impeksiyon at ng mga sisidlan na nagdadala ng likido, nutrients, at mga basura ng iyong katawan at ng iyong dugo.
Mga bagong tumor pagkatapos ay lumalaki sa iba pang bahagi na ito. Kapag kumakalat ang kanser sa prostate, kadalasan nitong naaapektuhan ang mga buto, ngunit maaari rin kumalat sa mga baga at atay. Paminsan-minsan ang iyong unang mga sintomas ng kanser ay nasa bahagi ng katawan kung saan kumalat ang kanser. Ang mga sintomas ng kanser sa prostate na kumalat sa iba pang bahagi ng iyong katawan ay dumidepende kung nasaan ang mga tumor. Bilang halimbawa:
- Kung kumalat ang kanser sa mga baga, maaari kang magkaroon ng ubo o problema sa paghinga.
- Kung kumalat ang kanser sa mga buto, maaari kang magkaroon ng pananakit sa buto.
- Kung kumalat ang kanser sa atay, maaari kang magkaroon ng madilaw na balat, pananakit, o pamamaga sa iyong tiyan.
Papaano itong sinusuri?
Ang kanser sa prostate ay kadalasang natatagpuan sa panahon ng palagiang eksaminasyon o isang eksaminasyong isinasagawa para sa ilan pang problema. Isang rektal na eksaminasyon at prostate-specific antigen (PSA) na pagsusuri ay maaaring isagawa para sumuri ng kanser sa prostate.
- Sa panahon ng rektal na eksaminasyon, maglalagay ng daliri ang iyong healthcare provider sa loob ng puwit para salatin ang prostate gland. Ang salat ng mga kanser sa prostate ay napaka tigas kumpara sa normal na tissue ng prostate. Kung makakapa ang iyong provider ng isang bagay na abnormal, kung gayon maaari kang sumailalim sa iba pang pagsusuri sa kanser.
- Ang PSA na pagsusuri ay isang pagsusuri sa dugo. Ang PSA ay isang protina na ginagawa ng prostate gland. Mas mataas ang antas ng iyong PSA, mas malamang ito na mayroong kanser. Gayunman, tulad ng karamihang kasangkapan na pangsuri-ng kanser, ang PSA na pagsusuri ay hindi perpekto at maaaring magbigay ng mga nakakalinlang na resulta. Ang isang normal na resulta ay hindi palaging nangangahulugan na walang kanser sa prostate. Ang kung mataas ang resulta, maaaring ito ay hindi sanhi ng kanser. Maaring may iba pang mga dahilan para sa isang mataas na PSA tulad ng impeksiyon o lumaking prostate dahil sa pag-edad.
Ang mga benepisyo ng pagsusuri sa kanser sa prostate ay hindi tiyak. Ang kalalakihan na mas bata sa edad na 75 ay dapat makipag-usap sa kanilang healthcare provider tungkol sa mga benepisyo at pinsala ng pagsusuri. Ang kasalukuyang mga inirerekumenda ay hindi kailangang masuri sa kanser sa prostate ang kalalakihan na ang edad ay 75 o mas matanda.
Ang pagpapa-biopsy para magtanggal at suriin ang tissue ng prostate ay ang tanging siguradong paraan para masuri ang kanser sa prostate. Maaaring magkaroon ka ng iba pang pagsusuri tulad ng:
- Mga X-ray ng bahagi kung saan may sumasakit sa iyo
- Ang scan ng buto, na gumagamit ng radioactive na kemikal para tingnan ang mga buto
- MRI scan, na gumagamit ng malakas na magnetic field at mga radio wave para kumuha ng mga larawan mula sa magkakaibang anggulo para ipakita ang mga manipis na cross section ng bahagi ng katawan
Papaano itong ginagamot?
Ilang bagay-bagay na pag-iisipan kapag nagdedesisyon sa paggagamot ay:
- Iyong edad
- Ang iyong panlahatang kalusugan
- Yugto ng kanser (kung gaanong ka-advance ang kanser)
- Kung saan kumalat ang kanser
Kung nasuri kang may early-stage ng kanser sa prostate na mabagal na lumalaki, maaari mong piliin na ipagpaliban ang paggagamot hanggang sa magpakita ang mga resulta ng pagsusuri na lumalaki o nagbabago ang iyong kanser sa prostate. Regular kang susuriin ka ng iyong healthcare provider, tulad ng tuwing 3 hanggang 6 na buwan. Ito ay tinatawag na aktibong pagbabantay o maalagang paghihintay.
Ang iba pang posibleng mga paggagamot ay:
- Operasyon para tanggalin ang prostate gland.
- Operasyon para tanggalin ang parehong itlog ng bayag. Ang mga itlog ng bayag ang gumagawa ng hormone ng lalake, na testosterone.
- Mga iniksyon ng gamot na pangharang ng hormone para mapigilan ang mga itlog ng bayag sa paggawa ng testosterone.
- Therapy ng hormone sa hormone ng babae na estrogen
- Chemotherapy (mga gamot na anticancer), na gumagamit ng gamot para patayin ang mga cancer cell
- Radiation therapy, na gumagamit ng radioactive seeds o high-energy na mga X-ray upang patayin ang cancer cell
Isasama rin sa iyong paggagamot ang:
- Pagpigil sa mga impeksyon
- Pagkontrol ng kirot o iba pang sintomas na maaaring mayroon ka
- Pagkontrol sa mga side effect mula sa mga paggagamot
- Pagtulong sa iyo na pangasiwaan ang iyong buhay kasama ang kanser
Kadalasan, higit sa 1 paggagamot ang ginagamit. Pagkatapos ng paggagamot, kakailanganin mo ng regular na mga follow-up na pagpapatingin sa iyong healthcare provider.
Tanungin ang iyong healthcare provider tungkol sa mga clinical trial na maaaring nakalaan sa iyo. Ang mga clinical trial ay mga pananaliksik na pag-aaral para humanap ng mabibisang paggagamot sa kanser. Ito’y palaging kagustuhan mo kung makikilahok ka sa isa o hindi.
Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?
Kung ikaw ay nasuri nang may kanser sa prostate:
- Pag-usapan ang tungkol sa iyong kanser at mga opsyon sa paggagamot kasama ng iyong healthcare provider. Siguruhing nauunawaan mo ang iyong mga pagpipilian.
- Sundin ang buong takdang panahon ng paggagamot na inirereseta ng iyong healthcare provider.
- Tanungin ang iyong healthcare provider:
- Papaano at kailan mo malalaman ang mga resulta ng iyong pagsusuri
- Gaanong katagal para makapanumbalik sa dating lakas ng katawan
- Kung may mga aktibidad na dapat mong iwasan, at kung kailan ka makakabalik sa iyong mga normal na aktibidad
- Papaanong pangalagaan ang iyong sarili sa bahay
- Anong mga sintomas o problema ang dapat mong subaybayan at ano ang gagawin kung magkakaroon ka ng mga ito
Siguruhin na alam mo kung kailan ka dapat bumalik para sa isang checkup. Puntahan ang lahat ng appointment para sa pagpapatingin o eksaminasyon ng provider.
Kasama ang iba pang bagay na maaaring makatulong:
- Kumain ng malusog na diyeta at mag-ehersisyo nang regular tulad ng inirerekumenda ng iyong healthcare provider.
- Magpahinga nang husto.
- Subukang bawasan ang stress at maglaan ng panahon para sa mga aktibidad na nasisiyahan ka. Maaaring makatulong na makipag-usap sa isang tagapayo tungkol sa iyong sakit.
- Makipag-usap sa iyong pamilya at sa iyong mga healthcare provider tungkol sa iyong mga alalahanin. Magtanong sa iyong healthcare provider ng kahit ano may kinalaman sa sakit, paggamot, mga side effect ng paggamot, sekswal na aktibidad, mga grupong sumusuporta, at anumang bagay na aalalahanin mo.
- Kung maninigarilyo ka, subukang tumigil.
- Tanungin ang iyong provider kung kailangan mong iwasan ang pag-inom ng alkohol. Maaaring makagambala ito sa mga gamot na iyong iniinom. Ang alkohol ay mas nakapagpapahirap din para sa mga white blood cell na labanan ang mga impeksyon.
- Sabihin sa iyong provider kung ang iyong paggagamot ay nagdudulot ng hindi kaginhawahan. Kadalasan may mga paraan para tulungan kang maging mas komportable.
Papaano akong makakatulong pigilan ang kanser sa pagkalat o magbalik?
- Kumpletuhin ang buong takdang panahon ng mga paggagamot ng radiation, hormone, o chemotherapy na inirerekumenda ng iyong healthcare provider.
- Agad na magpatingin sa iyong healthcare provider kung mapansin mo ang pabalik ng anumang dating mga senyales o sintomas, o nagkaroon ng mga bago.
Para sa higit na impormasyon, kontakin ang:
Developed by RelayHealth.
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
Copyright © 2016 RelayHealth, a division of McKesson Technologies Inc. All rights reserved.